Dalawang drug courier na sinasabing miyembro ng isang sindikato ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa operasyon ng mga ito sa Zaragosa at Moriones Streets sa Tondo, Maynila nitong Sabado.
Sa nasabing raid, hindi bababa sa P100-milyon halaga ng shabu at ilang baril ang nasabat mula sa dalawang dinakip, na pansamantalang hindi pinangalanan.
Napag-alaman na natiyempuhan ng mga tauhan ng NBI ang mga suspek at sa paghahalughog sa sasakyan ng mga ito ay nasamsam ang 24 na pakete ng shabu.
Bukod pa ang nakumpiskang 20 iba’t ibang baril, kabilang ang M-16 rifle, .45 caliber pistol, at .38 caliber revolver.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, ide-deliver umano ng mga suspek ang kontrabando at mga baril sa Barangay Datu Esmael sa Dasmariñas, Cavite pero natiyempuhan sila ng mga awtoridad.
Patuloy na inimbestigahan ang dalawang naaresto para matukoy ang kinaroroonan ng iba pang miyembro ng sindikato ng mga ito. (Beth Camia)