July 19, 2026

Home BALITA Metro

Traffic enforcer na nag-counterflow sa EDSA bus lane, suspendido lisensya!

Traffic enforcer na nag-counterflow sa EDSA bus lane, suspendido lisensya!
Photo courtesy: Christian Villona Alquino via LTO (FB)

Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang traffic enforcer na nag-counterflow sa EDSA bus lane at humarang sa harap ng isang bus na nagdulot ng pagkaantala sa daloy ng trapiko. 

Batay sa viral video ng traffic enforcer mula sa LTO nitong Sabado, Hulyo 18, mapapanood na tila nasa ilalim din ito ng impluwensiya ng alak habang nilalabag ang batas trapiko. 

Ngunit binanggit din ng ahensya na isasailalim ang obserbasyong ito sa karampatang kumpirmasyon. 

Dahil sa mga naging paglabag na ito, nagbaba na ng Show Cause Order (SCO) ang LTO laban sa rehistradong may-ari at rider ng Honda Click na sinakyan nito. 

Inatasan din ng LTO ang rehistradong may-ari at rider ng motor na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa itinakdang pagdinig at magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay upang ipaliwanag kung bakit hindi sila nararapat na managot sa mga kasong Driving Against Traffic at Obstruction of Traffic. 

Metro

Barzaga, dumalo! UPI, nagdaos ng anti-corruption rally sa Liwasang Bonifacio

Kasama rin dito ang pagpapaliwanag ng rider kung bakit hindi siya dapat suspindehin o mabawi ang kaniyang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle. 

Kasabay din sa mga parusang ito ay ang 90-day preventive suspension ng lisensya ng traffic enforcer at inaatasan itong isuko sa tanggapan ng IID, gayundin ang paglalagay ng motorsiklo sa alarm status habang umaandar ang imbestigasyon. 

“Ang anumang paglabag sa batas-trapiko ay hindi palalampasin ng LTO. Lalong inaasahan sa mga traffic enforcer na maging huwaran sa disiplina at pagsunod sa batas, dahil nakasalalay sa kanilang kilos ang tiwala ng publiko sa pagpapatupad ng ating mga regulasyon sa lansangan,” saad ni LTO Chief, Asec. Markus V. Lacanilao, sa pagtatapos ng pahayag.