Pansamantalang nakalaya si Marchel Espina matapos makapagpiyansa sa kasong unjust vexation na isinampa ng isang religious leader laban sa kaniya.
Kaugnay umano ito sa artikulong may pamagat na “Demonic Church Meddling in Politics” na nailathala sa isang lokal na pahayagan kung saan siya nagsilbing editor-in-chief. Naging dahilan umano ito ng pagkainis ng religious leader na kinilalang si Pedro Fajot Castillo.
Sa isang Facebook post ni Espina nitong Sabado, Hulyo 18, sinabi niyang nagawa niyang makalaya bago ang itinakdang deadline ng kaniyang piyansa.
“‘Laya ka na (you're free),’ my lawyer said after we barely beat the 5 p.m. deadline to post bail for my temporary liberty at the court yesterday, July 17,” lahad ni Espina.
Matatandaang kusang sumuko si Espina sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Negros Island Region sa Bacolod City bilang paggalang sa batas at sa legal na proseso.
“I intend to answer the allegations through the proper judicial channels," saad ni Espina sa isang Facebook post noong Hulyo 17.
Dahil dito, rumesbak tuloy ang ilang media groups sa kabaro nilang mamamahayag matapos nitong maaresto
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang paghahain ng kasong kriminal laban kay Espina habang ikinabahala naman ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang hinggil dito.
Ayon sa PTFOMS, hindi dapat magamit ang batas para supilin ang mga mamamahayag sa pagtupad ng kanilang mga propesyunal na tungkulin.
“The filing of criminal charges against truth-tellers has been a weapon of choice by the powers that be,” sabi naman ng NUJP.
Dagdag pa ng grupo, “It is an indication of the rottenness of the justice system and the impunity that continues to undermine our so-called democracy.”
Sa huli, nanawagan ang NUJP na ibasura ang kasong isinampa laban kay Espina