Ipinahamak ng isang palabirong factory worker ang kanyang sarili nang madakip siya ng mga pulis matapos siyang magbiro na may dala siyang bomba habang papasok sa isang mall sa Caloocan City, nitong Sabado ng gabi.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 si Haroeh Lagat, 20, ng Barangay Tugatog, Malabon City.

Sinabi ni PO3 Caesar Garcia na bandang 7:00 ng gabi at papasok na sana sa isang shopping mall sa bahagi ng Monumento Circle sa Caloocan ang suspek nang kapkapan siya ng guwardiya.

Tinanong ng security guard si Lagat kung ano ang laman ng kanyang bag at pabiro niyang sinabi na may bomba siyang dala roon.

Bilang ng operasyon ng POGO sa bansa, bumaba sa 17 bago matapos ang 2024

Dahil dito, tumawag ng pulis ang mga security guard at mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng Special Reaction Unit (SRU) ng Caloocan City Police.

Tumakbo ang suspek at hinabol siya ng mga awtoridad hanggang sa makorner sa gawing Monumento Circle para dalhin sa presinto.

Sa police headquarters, humingi ng tawad si Lagat at sinabing nagbibiro lamang siya.

Kung hindi patatawarin ng pamunuan ng mall, maaaring makulong si Lagat ng hanggang limang taon. (Orly L. Barcala)