Matapos ang pag-okupa sa mga bakanteng housing unit ng gobyerno sa Pandi, Bulacan kamakailan, inokupa naman ngayon ng mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pinagtatalunang lupain sa Tandang Sora, Quezon City.
Partikular na inokupa ng mga ito ang aabot sa 2,000 metro-kuwadradong lupain sa Apollo Street sa Tandang Sora.
Sinabi ng Apollo Neighborhood Association na humingi umano ng pahintulot ang mga miyembro ng militanteng urban poor group sa mga nagbabantay sa lugar na papasukin sila sa lupain.
Ayon sa asosasyon, binaklas ng mga nasabing militante ang mga yero na nagsisilbing bakod ng lupain at ginamit ang mga ito sa pagpapatayo ng barung-barong sa lugar.
Ang naturang lupain ay naiulat na pag-aari umano nina Reynaldo Guiyab at Jose Gonzales ngunit hawak na umano ito ng gobyerno dahil sa pagkakatalo ng mga nabanggit sa isang kaso sa hukuman. (Rommel P. Tabbad)