MEDYO nag-isip pala muna si Dennis Trillo kung tatanggapin niya ang Mulawin vs Ravena sa katwirang ang role na gagampanan niya bilang si Gabriel ay nagampanan na niya nang unang gawin ng GMA-7 ang Mulawin.
Pero nang ipabasa raw sa kanya ang script at kung sino si Gabriel, tinanggap na agad ni Dennis.
“At simula nang tanggapin ko ang role, hindi na rin ako tumanggap ng ibang offers na project,” sabi ni Dennis. “Nag-promise akong magku-concentrate ako sa proyektong ito. Marami akong paghahandang gagawin dahil si Gabriel ay hindi lamang isang prinsipe, isa na siyang hari sa kaharian ng Halconia.”
Isa yata sa training ni Dennis as Gabriel ang ipinost niya sa Instagram na naglalakad/tumatakbo siya sa kagubatan.
In between din ng trainings nina Dennis at ng iba pang cast ng Mulawin vs Ravena, may mall shows sila sa mga probinsiya para mai-promote ang show, kahit wala pang ina-announce na exact date of airing ang GMA-7.
Balita ring sasamahan muna ni Dennis ang girlfriend na si Jennylyn Mercado para sunduin ang biological father nito na matagal nang naka-base sa Korea. Gustong makasama ni Jennylyn ang ama at para rin makasama ng anak niyang si Jazz ang lolo nito.
Nakakatawa lang na akala raw ng fans, pupunta si Jennylyn sa Korea para makipag-meet sa Korean actor na si Kim Soo-hyun, ang gumanap na Matteo Du sa koreanovelang My Love From The Star na ginagawa ngayon ng aktres ang remake sa GMA-7, bilang ang bidang babae na si Stefi, at si Gil Cuerva naman ang gumaganap ngayon na Matteo Du.
Wala pa ring exact airing date ang soap ni Jennylyn pero tuluy-tuloy na ang taping nila, under Bb. Joyce Bernal. –Nora Calderon