KATHNIEL copy

SA Phuket, Thailand dapat ang celebration ng 21st birthday ni Kathryn Bernardo pero napunta sila sa El Nido, Palawan dahil hindi dumating sa oras ang passport na ipina-renew ni Daniel Padilla.

Ito ang naikuwento sa amin ng mommy ni Kathryn na si Mrs. Mhin Bernardo habang isinasagawa ang Q and A sa presscon ng Can’t Help Fallin’ In Love sa Villa Immaculada Restaurant sa Intramuros, Manila nitong nakaraang Huwebes.

Nagtanong kasi kami kung kasama si Mommy Mhin sa Palawan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Hindi, sila-sila lang, ‘yung ate niya at mga kaibigan lang, hindi na ako sumama. Dapat sa Phuket sila, kaso hindi dumating kaagad ‘yung passport ni DJ (Daniel). Pero okay na rin na dito lang sila.”

Natapos ang apat na araw na bakasyon ng KathNiel na wala pa rin ang pasaporte, sabi mismo ng aktor nang tanungin namin kung naayos na.

“Hindi pa nga po, eh. Wala pa,” tugon sa amin.

Binalikan namin ng tanong si Mommy Mhin kung madalas siyang hindi na sumasama sa mga lakad ng anak kasama si Daniel.

“Sa Palawan lang, okay naman, may tiwala naman na ako sa kanila, hinahayaan ko silang mag-enjoy, saka nag-mature na sila, nakakatuwa,” sagot ni Mommy Mhin.

Inalam namin sa ina ng dalaga kung ano ang plano ng dalawa na sobrang in love sa isa’t isa.

“Naku, wala pa, matagal pa ‘yan. Alam nila ang priorities nila, work muna. Saka mga bata pa sila,” nakangiting sagot sa amin.

At finally, inamin na ni Daniel ang estado ng relasyon nila ni Kathryn, hindi na tulad ng dati na, ‘alam n’yo na ‘yun, bahala na kayo’. Pero sa Q and A last Thursday, sinabi niyang, “We’re exclusively for each other.”

Ang hindi lang inamin ng KathNiel ay kung kailan nag-umpisa ang kanilang relasyon.

Samantala, ilang taon na rin silang nagkakasama tuwing summer kaya tinanong kung ano ang best summer of love nila.

“Kagagaling lang po namin sa bakasyon sa El Nido, so I can say na this is the best summer para sa akin,” sagot ng dalaga.

“Yes, yes, the best kasi kagagaling lang namin sa Palawan para sa birthday niya kaya masayang-masaya po kami and sobrang nag-enjoy si Kathryn at napakasaya lang ng trip namin, kaya summer of love,” sagot naman ni Daniel.

Ang 21st birthday ang pinakaespesyal para kay Kath.

“Feeling ko po sa lahat ng birthday celebration ko (espesyal), pero so far, pinaka-favorite ko itong 21st birthday ko kasi ang tagal nang pinaplano, gusto ko talagang pumunta sa El Nido and then ‘yung four days na ‘yun, trinabaho ko para pirmahan ni Tita Lulu (Romero, handler niya) ‘yung birthday leave ko rin so noong na-approve na, nag-ano talaga ako na I have to go to Palawan kasi nasa bucket list ko ‘yun.

“Naikot namin… ‘tapos kasama ko si DJ, of course. Parang nagkaroon kami ng sariling mundo sa Palawan kasi may places na walang signal ‘tapos nag-arrange ng dinner sa sandbar, watching the sunset, counting the stars ‘pag gabi, simpleng bagay, sobrang babaw ko na tao. Pero napakasaya ko kasi after all the hardwork before my birthday, naka-recharge rin ako sa four days na ‘yun,” kuwento ng aktres.

Sa rami ng naging birthday celebration ni Kath, ano ang pagkakaiba nito -- na kasama si Daniel?

“Ginigising kami nang maaga kasi kapag mag-snorkeling ka dapat maaga. First thing ‘yun in the morning nakipag-adventure siya sa amin. Lahat ng gusto kong gawin nagawa ko kasi hindi kami nagmamadali in four days,” say ni Kath.

Ano ang regalo ni Daniel sa kanyang girlfriend?

“’Yung regalo ko sa kanya hindi material na bagay para maiba naman, mas more on doon sa effort and sa pag-alalay ko sa kanila sa El Nido at siyempre ‘yung pagmamahal, kasi hindi mo ‘yun mabibili,” sagot ng binata.

At dahil beach iyon, kailangang magsuot ng dalaga ng bathing suit, kaya matinding paalaman muna kay Daniel.

“Pinaa-approve ko talaga,” natawang pag-amin ng dalaga.

Medyo mahigpit si Daniel dahil bawal magsuot si Kath ng two-piece.

“Hindi pa, ‘wag muna, hindi pa ako ready,” diretsong sabi ng aktor. “Ayaw ko siyang makita ng mga ibang lalaki.”

Malaki na ang ipinagbago ng katawan ni Kathryn dahil sumeksi na at bunga ito ng pag-eensayo niya ng Muay Thai bilang paghahanda sa serye nilang La Luna Sangre.

“Maganda ‘yung may konting laman,” say ni DJ sa magandang pangangatawan ngayon ng kanyang lovey-dovey.

At kahit legal na ang kanilang relasyon, bawal pa rin silang magkaroon ng torrid kissing scenes sa mga pelikula nila tulad nitong Can’t Help Fallin’ In Love na kahit may pagka-mature na ang papel nila, wholesome pa rin.

Mula sa direksiyon ni Mae Cruz-Alviar ang Can’t Help Falling In Love under Star Cinema. Sa Abril 15 na ang opening day nila. (REGGEE BONOAN)