Tumestigo kahapon sa Sandiganbayan si dating Makati City Vice-Mayor Ernesto Mercado laban kay dating Makati City Mayor Elenita Binay sa kasong graft na kinakaharap ng huli kaugnay sa maanomalyang pagbili ng mga office partition at furniture na aabot sa P72.06 milyon noong 1999.
Sumalang si Mercado, isa sa mga pangunahing testigo ng prosecution panel, sa witness stand ng 5th Division ng anti-graft court. Tinanong siya ng mga mahistrado kung paano niya nakuha ang dokumentong naglalaman ng mga impormasyong nagdidiin sa dating alkalde.
Ayon kay Mercado, ibinigay sa kanya ang papeles noong kaalyado pa niya si dating Vice President Jejomar Binay dahil pinapahanapan sa kanya ng paraan kung paano makalulusot sa mga kaso ang dating alkalde.
Nilinaw ni Mercado na hindi niya kalaban ang pamilya Binay at nagbibigay lamang siya ng testimonya kaugnay sa ulat ng Commission on Audit (CoA) sa nasabing anomalya.
“Ang usapan lang naman dito ay pinapa-identify lang sa akin ng prosekusyon ‘yung libro kung saan nanggaling yung kaso at kung ‘yun ba ang original,” giit ni Mercado. (Rommel P. Tabbad)