WALANG duda, mahal ni President Rodrigo Duterte ang mahihirap na tao, iyong kung tawagin naman ni Vice Pres. Leni Robredo ay mga “nasa laylayan” ng lipunan. Lahat naman yata ng pulitiko ay nagsasabi, tuwing panahon ng kampanya, na sila ay para sa mahihirap, makatao at para sa kagalingan, kabutihan at kapakanan ng bayan.

Si Pangulong Duterte ay kabilang sa mga pulitiko na noong kampanya ay nangakong magsisikap para guminhawa ang buhay ng mga maralitang Pilipino, ng mga “nasa laylayan” ng lipunan, susugpuin ang illegal drugs sa loob ng 3-6 na buwan, tatagpasin ang sungay ng kurapsiyon, itutumba ang mga kriminal at mga tiwaling pinuno ng pamahalaan upang ang mga bangkay ay ihagis sa dagat para kainin at tumaba ang mga isda.

Nitong Lunes, nag-react ang mga tao hinggil sa ulat ng isang broadsheet: “Duterte to poor: Sorry if you die.” Ang news story ay tungkol sa reaksiyon niya sa banat ng mga kritiko na tanging “poor people” o mahihirap ang napapatay sa giyera sa droga na batay sa mga report ay umabot na umano sa 8,000 ang biktima.

Badya ni Mano Digong: “Sinasabi ninyong ang pinapatay (ng mga pulis) ay mahihirap na tao lang. Well, I’m sorry I have to clean up until such time the drug lords are eliminated from the streets.” Aba naman, meron na bang drug lords na tumimbuwang sa lansangan kumpara sa noon ay 10 tao ang inire-report na napapatay gabi-gabi sa buy-bust operations ng mga tauhan ni Gen. Bato dahil nanlaban umano gamit ang .38 cal. revolver?

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Bulalas ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko: “Ano, hindi siya titigil hanggang hindi napapatay ang mga drug lord sa lansangan. Meron na bang napatay na drug lord? Ilan nang drug lord ang napatay sa hanay ng 8,000 biktima ng Oplan Tokhang ni PNP Chief Gen. Bato? May napatay na drug lord sa loob ng bilangguan sa Baybay, Leyte?

Ganito rin ang paniniwala ng karamihan sa mamamayan na bumoto sa kanya noong May 2016 elections. Nasaan ang mga drug lord na napatay? Ang mga drug lord na nasa New Bilibid Prisons (NBP) ay mga buhay pa at pinatestigo pa laban kay Sen. Leila de Lima na umano’y Reyna ng Illegal Drug Trade sa Munti. Pati mga drug lord na nasa China raw at kasabwat ng Filipino drug lords, buhay pa. Sabi nga ni senior-jogger: “Ang dapat lipulin ay shabu suppliers-drug lords dahil kung walang shabu, walang ibebenta ang pushers at walang gagamitin ang users. Sila ang dapat itumba ni Gen. Bato.”

Siyanga pala, inanyayahan daw ni PDu30 si VP Leni at pamilya sa isang hapunan kasama ang kanyang pamilya. May nag-post sa Facebook kung tatanggapin ba ito ni “beautiful lady.” Isang netizen ang sumagot: “Bakit daw hindi, eh dinner lang naman.” Isa pa ang nag-post: “Silipin kaya ni Digong ang maputing tuhod ni Leni kung naroroon sina Honeylet at Kitty?” (Bert de Guzman)