SAN ANTONIO (AP) – Isang maliit na bus na sakay ang mga miyembro ng isang simbahan sa Texas ang bumangga sa isang pickup truck, na ikinamatay ng 13 katao at ikinasugat ng dalawang iba pa nitong Miyerkules sa timog kanluran ng Texas.

Lahat ng mga namatay ay matatanda na dumalo sa First Baptist Church ng New Braunfels, Texas, kabilang ang driver. May kabuuang 14 senior citizen ang sakay ng bus habang driver lamang ang sakay ng pickup nang magkabanggaan ang mga sasakyan dakong 12:30 ng hapon sa U.S. 83 sa labas ng Garner State Park sa hilagang Uvalde County. Ang lugar ay 120.7 kilometro ang layo mula sa kanluran ng San Antonio.

Ayon kay Texas Department of Public Safety Sgt. Conrad Hein, dalawa pang pasahero ng bus at ang driver ng pickup ang naospital sa San Antonio ngunit namatay ang isang pasahero kinagabihan. Kritikal ang lagay ng nag-iisang nabubuhay na pasahero, habang ligtas na sa kamatayan ang driver ng truck.

Hindi pa malinaw ang sanhi ng banggaan na may 193.1 km ang layo mula sa simbahan kung saan pauwi na sana ang mga miyembro mula sa isang retreat.

Internasyonal

‘Doraemon’ voice actor Nobuyo Oyama, pumanaw na