Nagbigay ng reaksiyon at komento si Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa mga naging usap-usapang pahayag ni Senator-Judge Robin Padilla, sa ikasiyam na araw ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Hulyo 22.
Isa sa mga kinomentuhan ni Castro sa kaniyang personal vlog ay ang naging hiling ni Padilla sa prosecution panel na huwag gawing testigo ang mga personalidad na may isyu ng perjury.
Partikular na tinukoy ni Padilla ang mga nauna nang naimbitahang National Bureau of Investigation (NBI) senior agents na sina John Mark Calilung at NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.
“Puwede po ba na sana ay maiwasan natin ang pagbibigay ng witness na may kasong perjury. Ang sinasabi ko po ay ‘yng dalawang mahal nating witness. Si Atty. Jermy Lotoc at si NBI Agent Calilung na sa mga oras na ito ay mga kasong hinaharap na perjury,” aniya.
Dagdag pa niya, “Sana po aming mga mahal na kaibigan sa prosecution ay isipin nating mabuti bago tayo magbigay ng mga witness na may perjury na kaso, o nagkaroon kami ng dahilan na gumawa ng amyenda na itong perjury ay amyendahan.”
Depensa naman ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro, beneripika na raw nila noon pa na walang pending na kaso laban sa mga hinarap nilang testigo na sina Calilung at Lotoc.
“Ang conviction ay hindi ground for disqualification unless it is final or unless it is punishable by more than one year and that the crime constitutes moral turpitude,” paliwanag pa niya sa senador.
Maki-Balita: Sen. Padilla, sinopla mga testigo sa impeachment na may isyu ng perjury!
Samantala, sinabi naman ni Castro sa kaniyang latest vlog na mapapanood nitong Huwebes, Hulyo 23, na "ang labo" ng mga sinabi ng senator-judge.
"Ang labo mga ka-Clear," reaksiyon ni Castro.
"Kahit na convicted ka ng kahit na anong kaso pero ikaw yung sole witness, at ikaw lang ang nakakaalam, hindi mo ipe-present? 'Ay hindi, hindi, convicted 'yan eh, mamamatay-tao 'yan, na-convict 'yan ng murder, so 'wag nating pagtiwalaan 'yan,' eh paano kung siya lang yung sole witness? Illogical 'di ba? Walang logic yung tanong niya!" anang Castro.
"Paano kung convicted? 'Di ba puwedeng maging judge? Convicted siya oh. Convicted siya ng crime. Senator Robin. So 'pag ikaw ba ay convicted ng kahit na anong crime, dapat hindi ka na maging senator-judge? Hindi ganun eh. Kahit sino 'yan, kahit may kaso 'yan," giit pa ni Castro laban kay Padilla.
Nag-react din si Castro sa naging sagot naman ni House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na naberipika nilang anumang kaso ng perjury ang mga pinaupo nilang testigo.
"So, sabi niya, [Luistro], na-check na walang kaso, ng perjury! Paano 'yan, pinagbintangan ni Sen. Robin Padilla, nandiyan siya sa podium as senator-judge. Sino na ngayon ang nagsisinungaling? Si Sen. Robin? May proof si Congressman Luistro, na inconsistent si Senator Robin Padilla. O 'di dapat hindi na nagsasalita si Senator Robin Padilla kasi nagsisinungaling?" banat pa ni Castro.
"Dapat kasi 'to, tinuturuan ng lawyer niya eh," aniya pa.
Nagpakita naman ng nasaliksik na impormasyon si Castro na ang isang taong inaakusahan ng perjury ay hindi puwedeng pigilang magbigay ng testimonya sa iba pang kaso.
Mababasa rito, "Under the law, having a pending perjury case or even a past conviction does not automatically disqualify someone from being a witness."
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Padilla patungkol sa mga naging pahayag ni Castro.