NAKAKATUWANG malaman na nananatiling good friends ang pamilya ni Rico Yan (SLN) at ang Mommy Carol Santos ni Judy Ann Santos-Agoncillo.
Nalaman naming inimbitahan nila si Mommy Carol sa 15th death anniversary ng aktor nitong nakaraang Linggo sa Manila Memorial Park, Paranaque City na officiated by Father Carmelo Caluag ang Mass.
Dumalo rin ang dalawang loyalistang supporter ni Rico na sina Long Gumatay at Juliet Rodriguez at iba pa at siyempre ang naging kaibigan din ng pamilya na si Direk Rory Quintos.
Kamakailan ay nakipaglamay din si Mommy Carol sa pagkamatay ng ama ni Rico na si Mr. Robbie Yan.
Matatandaang naging super-close ang magulang nina Rico at Judy Ann noong gawin nila ang pelikulang Kaytagal Kang Hinintay, (1998) na idinirihe ni Direk Rory at kinunan ng sampung araw sa Pagudpud, Ilocos Norte at Vigan, Ilocos Sur. Sumama sina Mommy Carol at Mommy Cita Yan sa shooting.
Saksi kami sa napakagandang pagkakaibigan ng ina ng aktor at ina ng aktres. Nakakatuwa ring maalala na ang buong akala nila noon ay may namumuong relasyon kina Juday at Rico.
Nang pumanaw si Rico ay gabi-gabing nasa burol si Mommy Carol hanggang sa ilibing ang aktor na labis ipinagpasalamat ng pamilya Yan.