INAH AT JAKE copy

“WE’RE just enjoying each other’s company,” sagot ni Inah de Belen nang tanungin ng ilang reporters na bumisita sa set ng Encantadia kung ‘sila na’ bang dalawa ni Jake Vargas ngayon.

Pero walang nagawa si Inah kundi umamin na magkarelasyon na nga sila ni Jake. Ang hindi niya sinagot ay kung totoo bang four months na silang on.

Unang nagtambal sina Inah at Jake sa afternoon prime soap na Oh My Mama. Hindi nagtagal, pumasok ang character nila sa Encantadia bilang si Desnah/Luna (Inah) at kababata naman niya si Gilas (Jake). Parehong loveless sina Inah at Jake, kaya hindi kataka-taka na nagkainlaban sila.

Mga Pagdiriwang

Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

Ano ang nagustuhan niya kay Jake?

“Napakabait po ni Jake, magalang, walang bahid ng yabang, napaka-gentleman din niya. Napaka-responsible at napakalapit niya sa family niya.”

Na-meet na ito ng kanyang ina (Janice de Belen) at mga kapatid. Nakatakda naman itong ma-meet ng kanyang daddy (John Estrada).

Hindi lingid kay Inah na ang huling girlfriend ni Jake ay ang Kapuso star din na si Bea Binene. Nagbabatian daw sila ni Bea, at hindi na isyu sa kanya ang nakaraan ng dalawa.

Ipinalabas kamakailan sa Encantadia na napatay si Gilas habang inililigtas si Luna sa mga Etherian. Dahil telefantasya, puwede pa ring mabuhay muli si Gilas.

Naiibang experience para kay Inah ang pagkakasama niya sa telefantasya, dahil natuto siyang mag-action at nag-aral pa siya ng muay thai para makasabay siya sa mga eksena na kasama niya ang mga bagong Sang’gre na sina Lira (Mikee Quintos), Mira (Kate Valdez), Muyak (Klea Pineda) at Ariana (Arra San Agustin).

“Dati ay pinapanood ko lang ang Encantadia, ngayon ay sina Mommy at mga sisters ko na ang nanonood sa akin dahil ayaw ko pa ring panoorin ang sarili ko na umaarte sa television,” aniya.

Napapanood ang Encantadia gabi-gabi pagkatapos ng 24 Oras. (NORA CALDERON)