Isang pinaghihinalaang holdaper na dati umanong miyembro ng vigilante group ang napatay matapos umanong manlaban sa anti-criminality operation sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang napatay na suspek na si Santi Ramirez, 39, dati umanong miyembro ng Confederate Sentinel Group, at residente ng Building 9, Unit 51, Aroma Temporary Housing, Tondo.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Robert Domingo, hepe ng Manila Police District (MPD)- Station 1, bandang 11:00 ng gabi nangyari ang insidente sa Building 22 ng Temporary Housing, sa Aroma Compound.
Una rito, inilunsad ng mga tauhan ng Station Drugs Enforcement Unit ng MPD- Station 1, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Edwin Fuggan, ang anti-criminality operation sa lugar.
Sa kasagsagan ng operasyon, namataan ng mga pulis na pagala-gala si Ramirez at saka tinangkang arestuhin hanggang sa nagkabunutan ng baril ang magkabilang panig at nagkaputukan na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.
Narekober mula kay Ramirez ang isang cal .38, dalawang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
(Mary Ann Santiago)