Hati ang mga kongresista mula sa ruling majority at sa kinikilalang minority bloc sa isasampang impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo ng mga tagasuporta ng administrasyong Duterte pagkatapos ng Semana Santa.

Ito ay makaraang sabihin ni Speaker Pantaleon Alvarez na ikinokonsidera rin ng Kamara ang masusing pag-aaral sa mga pag-amyenda na ipapasa sa impeachment complaints laban kina Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kabilang banda, nagpatawag naman si Minority Leader Danilo Suarez ng mabilisang minority bloc caucus upang talakayin ang opisyal na posisyon nito sa tangkang pagpapatalsik sa puwesto kay Robredo sa pamamagitan ng impeachment.

Nitong Huwebes, naglunsad ang bloggers at mga abogado ng impeachment drive laban sa bise presidente, at nagpahayag na inaasahan nilang ieendorso ng mga kongresista ang reklamo.

National

Usec Castro, binoldyak ni Maharlika sa 'pa-travel-travel lang' si VP Sara

Sinabi ng pro-Duterte group, na pinamumunuan nina Atty. Bruce Rivera at Asst. Secretary Epimaco Densing III ng Department of Interior and Local Government, na hindi sila nakikiisa sa pananaw ni Duterte na hindi dapat sampahan ng impeachment si Robredo.

Sa kabilang banda, ang impeachment complaint na inihanda ni Atty. Oliver Lozano ay hindi pa ineendorso ng sinumang House member kaya hindi pa ito opisyal na naisasampa.

Maraming kongresista ang hindi sumeseryoso sa complaint ni Lozano.

Sa isang text survey, 23 sa tinanong na mambabatas kung pipirma ba sila o hindi sa impeachment kay Robredo ang nagsabi na kailangan muna nilang mabasang mabuti ang complaint upang maging maayos ang kanilang pagpapasya sa isyu.

Gayunpaman, anim sa kanila, pawang miyembro ng Malacañang-allied supermajority bloc, ang agarang nagsabi na tatanggihan nila ang anumang pagtatangka na tanggalin si Robredo sa pamamagitan ng impeachment.

Nagsalita ang solons sa kondisyong hindi sila pangangalanan.

Sinabi ni Suarez na kokonsultahin ang lahat ng miyembro ng House minority bloc kung ano ang kinakailangang gawin sa impeachment cases na isasampa laban kina Robredo at Duterte. (Ben R. Rosario)