Till death do us part.
Ganito ang sinapit nang mag-live in partner na pinasok at pinagbabaril ng tatlong lalaki, pawang nagpakilalang pulis, sa kanilang bahay sa Caloocan City, nitong Huwebes ng gabi.
Kapwa naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay nang datnan ng awtoridad sina Anacleto Dela Cruz, 39; at Lizelle Chua, 38, ng Phase 4, Package 8, Barangay 176, Bagong Silang.
Base sa imbestigasyon, unang pinasok ng mga suspek ang bahay ng isang “Eric”, malapit sa bahay ng mga biktima, dakong 9:00 ng gabi.
Ayon kay Eric, nagpakilalang pulis ang mga suspek at nagtanong kung may kakilala siyang drug pushers.
“Takot na takot po ako kasi may mga dala silang baril ‘yung isang lalaki mataba at ‘yung dalawa niyang kasama matangkad at talagang mukhang pulis,” ani Eric.
Nakahinga lang daw siya nang maluwag nang ipakandado sa kanya ang pintuan ng kanyang bahay at sabay-sabay na itong nagsilabas.
Makalipas ang ilang minuto, sunud-sunod na putok ng baril ang kanyang narinig hanggang sa malaman niya na pinasok at pinagbabaril sa bahay sina Dela Cruz at Chua.
Ayon sa mga kapitbahay ng mga biktima, hindi kailanman nasangkot sa ilegal na droga ang dalawa. (Orly L. Barcala)