Sinibak sa puwesto ang isang pulis na nagbabantay sa Cebu City Police Office (CCPO) detention cell kung saan nakakulong ang road rage suspect na si David Lim, Jr. matapos nitong payagan ang pagbabantay ng mga bodyguard kay Lim sa labas ng piitan.
Ayon kay Cebu PPO director, Senior Supt. Joel Doria, sinibak niya si SPO2 Jonathan Almedra, bantay sa selda ni Lim, makaraang makitang may mga bodyguard sa labas ng piitan ng 28-anyos na negosyante.
“Ang dapat magbantay sa ating detention facilities pulis lang, walang karapatang magbantay [ang iba], lalo na sibilyan, otherwise kakasuhan natin sila,” sinabi ni Doria sa isang panayam.
Hindi umano ipinaalam kay Doria ang pananatili sa labas ng presinto ng mga sinasabing bodyguard, at iginiit na simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon lang ang dalaw.
Inilipat si Almendra sa Police Regional Office (PRO)-7.
Samantala, pansamantala nang nakalaya kahapon si Lim makaraang magpiyansa ng P144,000.
Makaraang magpalipas ng dalawang gabi sa kulungan, naglabas na ng resolusyon sa kaso ng pamangkin ng negosyanteng si Peter Lim matapos na matukoy ni Assistant Prosecutor Ma. Theresa Casiño na may sapat na dahilan upang kasuhan ng frustrated homicide at illegal possession of ammunition si Lim.
Si Lim ang suspek sa pamamaril sa 33-anyos na nurse na si Ephraim Nuñal. (Fer Taboy at Mars W. Mosqueda, Jr.)