Dahil sa tindi umano ng problemang kinakaharap, nagpasagasa sa tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang palaboy sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nagkalasug-lasog ang katawan ng biktimang kinilala sa alyas na “Antonino”, makaraang magulungan at makaladkad ng tren sa layong 50 metro.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 7, dakong 8:10 ng umaga nang dumapa sa riles ng tren, sa Tayuman Street at Dagupan Extension sa Tondo, ang biktima upang magpakamatay.
Sa salaysay ng testigong si Jonjon Sevilla, 36, dating barangay kagawad sa lugar, bago insidente ay matagal nang nakatayo sa harap ng crossing cabin ang biktima na tila may hinihintay.
Pagdating umano ng passenger train na Metro South Commuters, may body number na MSC-807, bigla na lang dumapa sa riles si Antonino.
“Hinintay niya talaga bale ‘yung pagdaaan ng tren. Saka siya dumapa,” ayon naman sa testigong si Ramil Malkaida.
Ayon naman kay CJ Neri, estudyante, nakapanayam pa niya noong Martes ang biktima para sa kanilang school project at nakitaan niya ito ng mga senyales ng depresyon dahil sa problema sa pamilya. (MARY ANN SANTIAGO)