Sinaktan na ang damdamin, gulpi-sarado pa ang isang ginang sa kanyang kinakasama matapos niya itong kumprontahin dahil sa umano’y pagiging babaero sa Malabon City, kamakalawa ng umaga.
Kasalukuyang nakakulong sa Malabon City Police si Marvin Delos Santos, 35, ng Block 16, Lot 12, 1st Street, Barangay Taniong, at nahaharap sa kasong physical injuries at R.A. 9262 (women’s and children law).
Sa salaysay ng biktima sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD), bandang 9:00 ng umaga, nagpunta siya sa bahay ng kapatid ni Delos Santos, ilang metro ang layo sa kanilang bahay, upang manghiram ng pera.
Sa kanyang paglalakad, namataan niya si Delos Santos na may kaakbay na babae ngunit mas pinili umano niyang ‘wag gumawa ng iskandalo kahit masama ang loob.
Tila sinadya pa umano ng suspek na saktan ang kanyang damdamin dahil hinalikan pa umano nito ang kasamang babae.
Hindi na tumuloy ang biktima sa kanyang lakad at umuwi na lamang sa bahay saka hinintay makauwi si Delos Santos.
Kinumpronta ng biktima si Delos Santos, ngunit sa halip na makatanggap ng paliwanag ay ginulpi pa umano siya nito.
(Orly L. Barcala)