Kasalukuyang tinutugis ng awtoridad ang lalaking bumaril at pumatay sa isang traffic enforcer na nagtangkang umaresto sa kanya dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Pasay City, nitong Martes ng hapon.
Kinilala nina Senior Police Officer (SPO) 4 Allan Valdez at SPO2 Joel Landicho ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Noel Lunas, 46, miyembro ng Pasay City Traffic Management Office, na si Nashro Bagindulo, kilala rin bilang “Cairoden Mangundao,” ng Block 79, Lot 42, Bella Vista Subdivision, Barangay Santiago, General Trias, Cavite.
Tinutunton din ng mga pulis ang misis ni Bagindulo, si Norhinia Sema na kilala bilang “Agua Sema” at “Rose Sema”, na kasama ni Bagindulo nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Chief Inspector Rolando Baula, head investigator ng Pasay police, bandang 4:30 ng hapon, sakay sina Bagindulo at Sema sa Toyota Innova (UHQ 311) nang sakupin nila ang inner lane ng EDSA corner Roxas Boulevard sa harap ng San Juan De Dios Hospital.
“Huhulihin sana sila dahil sa road obstruction dahil kinain nila ‘yung inner lane. Nag-attempt sila mag-overtake sa isang sasakyan pero hindi sila pinagbigyan kaya ‘yung mga sasakyan sa likod nila, busina nang busina,” pahayag ni Baula sa Balita kahapon.
Sinubukang arestuhin ni Joey De Chavez, traffic enforcer, Bagindulo ngunit hindi umano nito binuksan ang kanyang bintana at humarurot patungong EDSA-Harrison Street, ayon sa pulis.
“Doon na humarurot ‘yung suspek, tinakbuhan si De Chavez. Ni-radyo niya ngayon kay Lunas na ayun nga, may tumakas sa kanya tapos nakita naman ng biktima kaya hinabol niya,” dagdag ni Baula.
Lulan sa motorsiklo, hinabol ni Lunas ang Toyota Innova hanggang sa sila’y umabot sa Muslim mosque sa kahabaan ng Park Avenue Extension, Bgy. 147, Zone 16.
Dito na bumaba si Bagindulo at tatlong beses binaril si Lunas: isa sa ulo, dibdib at kilikili, na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.
Marahil sa pagkataranta, iniwan nina Bagindulo at Sema ang kanilang sasakyan sa gitna ng kalsada at tumakbo patakas base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera.
Sinabi ni Senior Supt. Lawrence Coop, hepe ng Pasay police, na gagawin nila ang lahat upang maaresto ang mga suspek at bigyan ng hustisya si Lunas. (MARTIN A. SADONGDONG)
[gallery ids="232793"]