Isang bagitong pulis ang inaresto ng kanyang kabaro dahil sa umano’y pagpapaputok ng baril sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Nasa kustodiya na ng Taguig City Police ang suspek na si PO1 Ibrahim Atani y Liyus, 31, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Traffic Department, at residente ng Block 23, Lot 14, Zamboanga Street, Maharlika Village, Taguig City.

Sa ulat na natanggap ng Southern Police District (SPD), dakong 12:05 ng madaling araw nangyari ang insidente sa Zamboanga St., Maharlika Village.

Bago ang insidente, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nakasagutan ni Atani na naging dahilan ng pagpapaputok niya ng baril.

Internasyonal

ALAMIN: Saan puwedeng humingi ng tulong ang OFWs sa Iran, Israel?

Dahil dito, labis na natakot ang mga residente at ini-report ang insidente sa mga pulis at tuluyang inaresto si Atani.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 STI, tatlong magazine ng baril at 11 bala.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban kay Atani. (Bella Gamotea)