NGAYONG Marso sana dapat matatapos ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin base sa pahayag noong huling thanksgiving presscon ng aktor.
Bukod sa gusto na muna niyang magpahinga dahil mahigit isang taon na ring nakikipaghabulan si Cardo Dalisay para tugisin ang mortal niyang kaaway na si Joaquin Tuazon/Arjo Atayde na hindi mamatay-matay.
Pero sa resulta ng survey ng Dreamscape Entertainment sa mga sumusubaybay ng Probinsyano nalaman ang pakiusap ng mga ito na huwag munang tapusin dahil ito ang isa sa mga dahilan kaya nagmamadali silang makauwi ng maaga, lalo na ang mga ama ng tahanan, dahil idol nila si Cardo.
Katunayan, may data talaga ang Philippine National Police na zero crime rate kapag umeere na ang aksiyon serye.
Nalaman din sa mga ina ng tahanan na kapag oras na ng Probinsyano ay wala nang mga batang nakakalat sa mga kalye dahil nakatutok naman sila sa mga bagong idolo nila na sina Onyok, MacMac, Ligaya, Dang at Paquito.
Ipinapakita ang teaser ng mga nainterbyung viewers bago magsimula, sa gaps habang umeere, at hanggang matapos ang FPJAP para malaman ng lahat na hindi pa ito matatapos tulad ng mga nasulat na.
“Paano mo papatayin ang programang lampas 40% ang ratings? Bukod dito, ayaw ding bumitaw ng advertisers,” katwiran sa amin ng taga-Dos.
Sabi nga, you cannot argue with success! (Reggee Bonoan)