Dahil lamang sa P1,200, patay ang isang hinihinalang holdaper na nakipagbarilan sa mga pulis matapos umano niyang holdapin ang isang babae sa harap ng isang mall sa Barangay San Dionisio, ParaƱaque City kahapon.

Ayon kay Chief Inspector Allan Abaquita, ParaƱaque police head investigator, dead on the spot si Rolando Ibanez y Quilla, 19, ng Satima Bgy. Talon Dos, dahil sa tatlong tama ng bala ng baril sa katawan.

Sa salaysay ng biktima, na humiling na huwag pangalanan, bandang 3:00 ng madaling araw, nakatayo siya sa harap ng isang coffee shop sa SM Sucat nang lapitan siya ni Ibanez at nagdeklara ng holdap. Nakatakda nang umuwi ang biktima nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Abaquita, tinutukan ng baril ni Ibanez ang biktima at pinagbantaang papuputukan kapag hindi nito ibinigay ang bag sa kanya.

National

Heydarian, happy sa 'immense progress' at latest HDI score ng Mindanao

Walang nagawa ang biktima kaya ibinigay niya ang kanyang bag sa suspek na tumakas papuntang C5 Extension road.

Makalipas ang ilang minuto, nakakita ng mga pulis ang biktima kaya agad siyang humingi ng tulong sa mga ito.

Hindi na nag-aksaya ng oras ang mga tauhan ng Barangay San Dionisio Police Community Precinct (PCP-6) at nasilayan ang suspek na naglalakad at positibo itong kinilala ng biktima.

Sinubukan umanong pasukuin ng mga pulis si Ibanez ngunit bigla na lang itong nagpaputok ng baril dahilan upang sunud-sunod na magpaputok ang mga ito na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.

Nabawi mula kay Ibanez ang bag ng biktima na naglalaman ng P1,200, isang identification card, isang cell phone, at mahahalagang papeles. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)