MEDYO naintriga ako sa pakiramdam ko’y naiibang pagkilos kamakailan ng mga maka-kaliwang grupo sa ilang barangay sa Bulacan na sa biglang-tingin ay may halong panunudyo at paghamon sa administrasyon ng “kasangga” nilang si Pangulong Rodrigo Duterte—at kung hindi naman papaltos ang pananaw ng mga kaututang-dila kong taga-intel community ng pamahalaan, baka raw may masamang mangyari sa Marso 28 at 29 kaugnay ng mga pangyayaring ito.

Dito biglang pumasok sa aking isipan na sa Marso 28 ay birthday ni Pangulong Digong habang ang Marso 29 naman ay birthday ng New People’s Army (NPA) – ito marahil ang dahilan kaya “umiikot” na naman ang utak ng mga kaibigan kong ito matapos kong ikuwento sa kanila na posibleng lumabas, bago magkatapusan ng buwan, ang “eviction notice” laban sa mga taong ilegal na umokupa sa mga pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Pandi, Bulacan...ngayon pa lang ay kinikilabutan na ako sa mga pangitaing nababasa ko sa mukha ng mga amigo kong ito.

Ang tinutukoy kong pagkilos ng mga maka-kaliwa ay ang magkakasunod na paglusob at tangkang pag-okupa sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan na ang karamihan ay para sa mga pulis, sundalo, guwardiya at bumbero nito lamang Marso 8. Ang pag-okupang ito ay isinagawa ng mga umano’y miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) sa halos 5,000 pabahay ng NHA sa may Pandi, Barangay Cacarong Matanda; Villa Louise, Barangay Siling Matanda; Pandi Heights 2 & 3, Barangay Mapulang Lupa; at sa Villa Elise, Barangay Masuso kung saan matagumpay nilang napasok ang mahigit 400 housing unit at ang buong lugar ay kanila pang binarikadahan.

Nagtagumpay man ang KADAMAY sa paglusob sa mga housing unit sa Pandi, nabulilyaso naman ang kanilang ikalawa sanang operasyon nito lamang Biyernes— na mapasok din ang halos 3,000 residential unit sa may Bocaue Hills upang sakupin at patirahin ang kanilang mga miyembro na karamihan daw ay mahihirap na Pilipinong walang... sariling bahay.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang malaking “question mark” dito ay ano at sino ang nagtutulak sa grupong ito para lumakas ang loob na ipangalandakan pa sa buong mundo na ang kanilang ginagawa ay karapatan lamang nila bilang bahagi ng mga naghihirap na mamamayang Pilipino na patuloy na napapabayaan ng pamahalaan na walang inatupag kundi ang walang patumanggang pagpatay sa itinakda nitong giyera laban sa droga.

Para naman sa aking malisyoso at malikot ding isipan – bahagi lang ito ng isang “pagkilos-pulitika” na may malalim na pinaghuhugutan…mga pansariling kapakanan ng mga pulitikong sa halip na makatulong ay mas lalong nagiging pabigat sa nakalugmok na nating bayan.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)