Siyam sa 10 Pilipino ang nagsabing masaya at kuntento sila sa kanilang buhay ngayon, dahilan upang makamit ang pinakamataas na happiness rate sa nakalipas na 20 taon, base sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey.
Sa nationwide survey na isinagawa noong Disyembre 3-6 at binubuo ng 1,500 respondent, napag-alaman na 91 porsiyento ng mga Pilipino ay masaya sa kanilang buhay; kalahati rito (46%) ang nagsabing “very happy” habang “fairly happy” ang natira (45%).
Samantala, 7% ang nagsabing hindi sila ganoon kasaya, at 2% ang hindi masaya.
Ayon sa SWS, mas mataas ito ng dalawang porsiyento kaysa 89% noong Hunyo 2016, at ito ang pinakamataas na happiness rate sa nakalipas na 20 taon. Hunyo 1996 nang makamit ang 92% happiness rate.
Napag-alaman din sa nasabing survey na 87% ng mga Pilipino ang nagsabing sila’y kuntento sa buhay; 41% ang very satisfied at 46% ang fairly satisfied.
Samantala, 9% ang nagsabing hindi sila ganoon kakuntento at 4% ang hindi kuntento.
Mas mababa ito ng tatlong porsiyento, ayon sa SWS, kumpara noong September 2016 survey result na umabot sa 90% ang contentment rate.
Ipinahayag din ng SWS na sa 46 na bansa, sa Pilipinas ang may pinakamaraming sumagot na sila ay sobrang saya, 31%; masaya 25%; at medyo masaya 31%.
Sa kabuuan, ika-11 ang Pilipinas pagdating sa happiness rate na may 87%. Nangunguna ang Portugal (95%), kasama ang Iceland, Argentina, Switzerland at United States sa Top 5.
Inilabas ang resulta ng nasabing survey kahapon, International Day of Happiness. (Ellalyn De Vera-Ruiz)