Dahil hindi umano matanggap ang pagkatalo sa tong-its, pinagsasaksak ng isang lalaki ang kanyang katrabaho sa Makati City nitong Linggo.
Ilang saksak ang ibinaon ni Marciano Ayag, Jr., 35, construction worker, sa katawan ni Dante Molinas, 41, tubong Baybay, Leyte, at tumutuloy sa No. 7680 J.B. Roxas Street, Barangay Olympia, Makati City.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Arnel Noriega, imbestigador ng Homicide Section ng Makati City Police, dakong 1:00 ng tanghali nangyari ang insidente sa loob ng barracks nina Ayag at Molinas.
Una rito, nitong Sabado ay nagkayayaan umanong maglaro ng tong-its sina Ayag at Molinas ngunit sa halip na pera ang pusta, napagdesisyunan ng dalawa na gawin itong alak. At natalo nga si Ayag kaya siya ang bumili ng alak.
Kinabukasan, habang natutulog ang biktima, biglang nilapitan ni Ayag, armado ng kutsikyo, si Molinas at tinadtad ng saksak ang katawan nito.
Sinubukan pang isugod sa pinakamalapit na ospital si Molinas ngunit namatay siya habang nilalapatan ng lunas.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso si Ayag na kasalukuyang nakakulong sa Makati City Police. (Bella Gamotea)