Dahil sa social media, tuluyang naaresto ng awtoridad ang magpinsang mahilig manloob ng mga convenience store matapos matunton ang kanilang lungga, kamakalawa ng hapon.
Sa report ni Police Chief Insp. Rhoderick Juan, head ng Station Investigation Detective Management Branch (SIDMB), kay Police Sr. Supt. Ronaldo O. Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang mga naaresto na sina Nonelito Inos, 39 at Ariel Dela Torre, 40, kapwa residente ng No. 22 Libis Espina Street, Caloocan City.
Ibinahagi sa Facebook ang mga mukha nina Inos at Dela Torre hanggang sa naging viral ito sa social media.
“May tumawag po sa amin na concerned citizen at sinabi kung saan namin matatagpuan ang mga suspek,” pahayag ni Juan.
Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Juan at kanyang mga tauhan at nilusob ang pinagtataguan nina Inos at Dela Torre na naging sanhi ng kanilang pagkakadakip, dakong 1:00 ng tanghali.
Sa pakikipag-usap sa mga pulis, inamin ng mga suspek ang krimen at serye ng pangho-holdap sa mga convenience store sa Quezon City at Tondo, Maynila.
Kasong robbery hold-up ang isinampa laban sa magpinsan. (Orly L. Barcala)