July 26, 2026

Home BALITA Politics

‘Never gonna happen!’ VP Sara, walang balak mag-resign sa posisyon!

‘Never gonna happen!’ VP Sara, walang balak mag-resign sa posisyon!
Photo courtesy: Ako si Makabayan/FB

Mariing iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala siyang planong magbitiw sa kaniyang posisyon sa kabila ng kinahaharap na impeachment proceedings sa Senado.

Sa pakikipagpulong sa Filipino community sa London nitong Linggo, Hulyo 26 (araw sa Pilipinas), sinabi ng Bise Presidente na nananatili siyang tapat sa mandatong ipinagkatiwala sa kaniya ng milyon-milyong Pilipino.

“Never gonna happen. Hindi ako magre-resign. Dahil yun ay parang betrayal sa 32.2 million na mga kababayan natin na bumoto sa akin,” ani Duterte.

Nagbigay rin siya ng pahayag kaugnay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na aniya ay malayang gawin ang anumang hakbang kung nais siyang mapatalsik sa puwesto.

“Gusto ni BBM tanggalin n’ya ako. Gawin n’ya ang lahat, tanggalin n’ya ako,” dagdag niya.

Politics

Rep. Ace Barbers, binanatan magkapatid na Cayetano

Ayon kay Duterte, ang kaniyang pangunahing prayoridad sa kasalukuyan ay ang pagpapatuloy ng trabaho ng Office of the Vice President (OVP) at ang paghahanda ng kaniyang legal defense para sa impeachment trial.

“Lagi ako nagpapasalamat sa legal team, sa defense team, at sa mga kababayan natin sa suporta nila sa akin, at siyempre sa tulong nila sa akin at patuloy nilang pagtitiwala sa Office of the Vice President,” pahayag ng Bise Presidente.

Bagama't inihayag na niya noon ang balak na tumakbo sa halalan sa 2028, sinabi niyang isasantabi muna ang anumang paghahanda hanggang matapos ang proseso ng impeachment.

“Kahit pa man na sinabi ko na tatakbo ako sa 2028 elections, lahat ng preparations do’n ay mangyayari kapag tapos na ang impeachment trial,” ani Duterte.

Inaasahang magpapatuloy ang impeachment trial laban sa Bise Presidente sa Miyerkules, Hulyo 29, matapos itong pansamantalang maantala upang bigyang-daan ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos sa Lunes, Hulyo 27.