Nakatakdang magbigay si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng kaniyang kontra-State of the Nation Address (kontra-SONA) sa Martes, Hulyo 28, isang araw matapos ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.
Ang kontra-SONA ay isang matagal nang tradisyon sa Senado kung saan inilalahad ng lider ng minorya ang kaniyang pagsusuri at pagtutol sa mga pahayag ng Pangulo tungkol sa kalagayan ng bansa, kaya naman, naka-schedule ang pagpapatuloy ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte sa Miyerkules, Hulyo 29, sa ganap na 10:00 ng umaga.
Ayon kay Cayetano, ang Senate Minority Bloc, na kaniyang pinamumunuan, ay maghahain ng tugon matapos ang SONA ng Pangulo. Inanyayahan din niya ang publiko na tumulong sa pagtukoy ng mga isyung dapat maisama sa Kontra-SONA ng oposisyon. Hinikayat ni Cayetano ang publiko na magbigay ng mga isyung nais nilang matalakay sa kaniyang talumpati.
Aniya, mas nais niyang bigyang-kahulugan ang salitang SONA bilang "SANA" o "Stewarding a National Agenda," kasabay ng panawagan para sa pagkakaisa at pagtalikod sa partidong pulitika.
“I heard from some host of a news channel na ‘SONA vs Sana.’ What do you think SANA should mean? [For me, it’s] Stewarding A National Agenda. [It] means nag-a-agree tayo as a nation. Y’un ang agenda,” aniya, na mababasa rin sa kaniyang official website.
“Trabaho ng minority leader sa Senado, o anyone sa opposition, ay magbigay ng kontra-SONA. But I want to crowdsource it. Napakarami n'yo na rin na bahagi ng aking Facebook page. Ano ang mga dapat nating pag-usapan sa kontra-SONA?"
Ayon pa sa senador, ang pagsusulong ng isang pambansang agenda ay nangangailangan din ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan at ng pamumuno sa pamamagitan ng mabuting halimbawa.
"Trabaho ko rin [is to] hold everyone, including myself and people close to me, accountable. And fight for a national agenda," aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng personal na pananagutan, at sinabing nagsisimula ang tunay at pangmatagalang pagbabago kapag pinipili ng isang tao na gawin ang tama kahit walang nagbabantay.
"Ang nangyayari sa atin, 'pag walang bantay, bahala na. Pero 'pag may bantay, susunod tayo. Dapat kahit walang nakatingin, tama yung ating ginagawa," aniya.
Umaasa rin si Cayetano na makakamit ng bansa ang makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos tungo sa iisang layunin at pagpapatibay ng kultura ng pananagutan.
"We all pray for a nation that is transformed… napakaraming options na ating kailangan gawin at atupagin or bigyan ng pansin," pahayag pa niya.