MAKARAAN ang mahigit isang taong pahinga, muling sasampa sa lona si one-time world title challenger Mercito “No Mercy” Gesta sa 10-round na pakikipagsagupa kay dating interim WBC Youth lightweight champion Gilberto Gonzalez ng Mexico sa Abril 1 sa Cosmopolitan of Las Vegas sa Nevada, USA.
Huling lumaban si Gesta nang talunin niya sa puntos si dating WBC Fecombox super featherweight champion Miguel Angel Mendoza na isa ring Mexican noong Oktubre 3, 2015 sa StubHub Center, Carson, California.
Bago ito, nagtabla muna sila ng Mexican American na si world rated Carlos Molina na galing sa magkasunod na pagkatalo kina world champions Amir Khan ng United Kingdom at kababayang si Adrien Bronner noong Abril 30, 2015 sa Indio, California.
Nagsasanay ngayon si Gesta sa ilalim ng Amerikanong si Hall of Famer Freddie Roach at assistant nitong si Filipino Marvin Somodio at umaasa siyang sa bagong porma ay mapapatulog si Gonzalez na galing naman sa walong sunod na panalo, lahat pawang sa knockout.
May rekord si Gesta na 29-1-2 win-loss-draw na may 18 pagwawagi sa knockout, samantalang ang knockout artist na si Gonzalez ay may kartadang 26-3-0 win-loss-draw na may 22 panalo sa knockout. (Gilbert Espeña)