DINALA sa Roma ni Father Pierangelo Quaranta at ng kanyang mga kasamahang pari sa kongregasyon ang mga larawan ng Via Crucis. Labis na hinangaan ng mga pari at pintor sa Roma ang Via Crucis ni Botong Francisco. Sinabing hindi nila akalain na may isang mahusay na Pilipinong pintor na nakagawa ng napakagandang likhang-sining tungkol sa mga paghihirap at pasakit ng ating Panginoon.

Ganito naman ang impresyon ni Badong Juban: “Tuwing nakikita ko ang Way of the Cross na ginawa ni Botong Francisco sa FEU chapel at Don Bosco chapel, ang pakiramdam ko sa sarili ay tila hindi ko na iiwan ng tingin dahil sa ganda ng pagkakaguhit. Masasabi kong pambihira talaga ang talino ni Botong Francisco. Ang mga kulay na ginamit niya sa Via Crucis ay angkop na angkop sa kalungkutan at hirap na dinanas ng ating Panginoon. Sa Via Crucis na ginawa ni Botong Francisco, para mo nang nabasa ang kasaysayan ni Kristo”.

Pag-usapan naman natin ang mga anyo ng mga Hudyo sa Via Crucis na ang kabagsikan at kalupitan ay buhay na buhay.

Naikuwento ni Francisco sa kanya na ang pinagbasihan niya rito ay ang dalawang imahen ng Hudyo na pumapalo kay Kristo habang nakagapos sa haliging bato. Ang may-ari ng dalawang imahen ng Hudyo ay nagngangalang “Tandang Ponsa” sa Angono, Rizal. Wala na ngayon ang imahen ng dalawang Hudyo at ni Kristo dahil nasunog noong panahon ng digmaan (panahon ng mga Hapon). Ang imahen ng dalawang Hudyo noong hindi pa ito nasusunog, kasabihan sa Angono, ay larawan ng kalupitan at kabagsikan. Madalas na ginagawang panakot ng mga matatanda sa batang matitigas ang ulo.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Isa pa sa maituturing na imortal na religious painting ni Francisco ay ang miyural ng Via Crucis sa FEU chapel sa Maynila. Sa mural na ito, buo at maliwanag na inilarawan ang mga hirap at pasakit ng ating Panginoong Jesukristo. Sa tila mga nangungusap na mga larawan sa Via Crucis, nararamdaman ang paghihirap ni Kristo. Matagumpay na naipadama ni Francisco ang matinding sakripisyo ng ating Panginoon. Nagpapahiwatig at nagpapatunay na ang pananaw, puso at damdamin at kalooban ni Francisco ay tila nabuhay sa panahon ni Kristo.

Ayon naman kay Vicente “Ka Enteng Reyes, isa sa mga naging katulong sa pagpipinta ni Francisco at naging miyembro ng Sanggunian Bayan ng Angono, bago gumuhit ng religious painting si Francisco ay talagang gumagawa siya ng pananaliksik. Nagpupunta sa iba’t ibang simbahan sa Rizal; Binangonan, Cardona, Morong, Baras, Tanay, Pillilla, Jalajala at mga simbahan sa Laguna. Masusi niyang pinag-aaralan ang mga nakitang religious painting.

(Clemen Bautista)