ANG Semana Santa ay isang hindi malilimot na panahon sa buhay ng National Artist na si Carlos Botong Francisco na itinuturing na folksaint ng kanyang mga kababayan sa Angono, Rizal. Nagkaroon ng mahalagang bahagi sa buhay ni Francisco ang Semana Santa bilang isang religious painter.
Noong nabubuhay pa si Francisco, ang buhay, hirap at pasakit ng ating Panginoong Jesukristo ay matapat niyang nailarawan sa kanyang mga miyural at iba pang likhang-sining. Sa ngayon, ang mga religious painting na ito ni Francisco ay bahagi na ng paggunita ng Mahal na Araw at nagsilbing yaman ng sining at kulturang Pilipino. Ang mga religious painting ni Francisco ay binubuo ng “VIA CRUCIS” o Way of the Cross sa chapel ng Far Eastern University (FEU) sa Maynila at sa Don Bosco Chapel sa Makati City; ang Buhay ni Saint Dominic sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City at ang malaking larawan ng “Our Mother of Perpetual Help” sa simbahan ng Angono, Rizal.
Sa panahon ng Lenten Season o Kuwaresma, ang mga Via Crucis sa FEU chapel, Don Bosco chapel at simbahan ng Angono ay nagsisilbing landas sa pakikibahagi ng isang Kristiyano sa mga paghihirap ni Kristo. Mga buhay na larawan ni Kristo na gumugunita kung paano tinubos sa pagkakasala ang sangkatauhan.
Ayon kay Salvador “Badong” Juban, isa sa mga pintor sa Angono at matagal nakasama ni Botong Francisco, ang miyural ng Via Crucis ay ginawa ni Botong Francisco noong 1962-63. Katulong niya sina Policarpio Caparas ng Cavite at Vicente “Enteng” Reyes, isang kilalang pintor sa Angono, Rizal.
Sinabi ni Badong Juban sa inyong lingkod na ang Via Crucis sa FEU chapel ay ipinagawa ng dating pangulo ng FEU na si Nicanor Reyes, Sr. at ng dating dean ng FEU at naging Education Secretary at National Artist for Literature na si Dr. Alejandro “Andeng” Roces. Maingat at matagal ang pananaliksik dito ni Francisco. Ang Way of the Cross naman sa Don Bosco chapel sa Makati ay ginawa noong 1967. Ang nagpagawa nito kay Francisco ay si Father Pierangeloi Quaranta, S.D.B., isa sa mga paring namahala noon sa Don Bosco chapel.
Nagpunta sa bahay ni Francisco si Father Quaranta at ipinaliwanag ang tungkol sa iguguhit na Via Crucis. Isa sa mga layunin ay maimulat sa buhay-ispirituwal at pagiging makatao ng mga batang mag-aaral sa Don Bosco.
Ang Via Crucis sa Don Bosco chapel ay ginawang mag-isa ni Botong Francisco. Ang labintatlong bahagi nito ay nakalagay sa canvass at kuwadro. Ayon pa kay Badong Juban, “Natatandaan ko pa na ang sketch o pag-aaral sa Way of the Cross sa Don Bosco chapel ay iginuhit ni Botong Francisco sa isang kubo sa Villa Lolita sa Taytay, Rizal. Pagkatapos ay isinalin niya sa canvass. Naging ugali kasi ni Botong Francisco na namamasyal sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Rizal at gumawa ng pag-aaral at pagsasaliksik.”
Sa ngayon, ang mga xerox copy ng mga sketch ng Via Crucis ay nasa pag-iingat ni Badong Juban. Ang mga sketch na pinagparisan ng Way of the Cross na iniukit sa kahoy ay nasa simbahan ng parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal.
(Clemen Bautista)