NAROROON na sa Baguio si Atom Araullo, pero hindi upang kumober para sa newscasts o morning show niya sa ABS-CBN kundi para maging actor.
Si Atom ang personal choice ng legendary, reclusive at multi-awarded director na si Mike de Leon para sa bagong pelikula nitong Citizen Jake.
Itinuturing na event ang pagbabalik na ito sa paggawa ng pelikula ni Direk Mike, ang nagdirihe ng hindi malilimutang Sister Stella L, Kisapmata, Kung Mangarap Ka’t Magising, at maraming iba pa.
Kuwento sa amin ni Atom bago umakyat ng Baguio, ang pelikulang gagawin nila ay istorya ng isang journalist. Nang ikuwento raw ang storyline nito sa kanya ay gustung-gusto na kaagad niyang gawin.
Hindi biro ang ginawang paghahanda ni Atom para sa Citizen Jake. Dumaan siya sa napakaraming acting workshops bukod pa ang sunud-sunod na test shots.
Nangarap din noon si Atom na pasukin ang mundo ng pelikula dahil habang nasa grade school ay ilang beses siyang gumanap sa lead roles ng mga production ng Ateneo Children’s Theater. Nag-aral din siya ng crash course sa filmmaking at sa pag-arte sa pelikula.
Matandaang napabalita na kaya raw nag-resign si Atom bilang reporter ng ABS-CBN ay dahil gusto niyang ituloy ang pangarap niyang maging artista. Agad niya itong itinanggi, bagamat totoong maayos siyang nagpaalam sa mga bossing niya sa Kapamilya Network na agad naman siyang naintindihan nang sabihin niya na gusto niyang palawakin pa ang pagsasanay sa pelikula at telebisyon.
Nagkuwento rin si Atom na mismong si Mike de Leon ang nagpatawag sa kanya noon pa para gampanan ang main role sa Citizen Jake. Siyempre, hindi lang si Atom ang excited sa bagong pakikipagsapalaran niya kundi pati na ang mga taong nagmamahal sa kanya. Kasama na siyempre rito ang napakaraming tagahanga niya.
Pawang mga batikan ang makakasama ni Atom sa naturang pelikula sa pangunguna nina Cherie Gil, Dina Bonnevie, Victor Neri, Gabby Eigenmann, Luis Alandy, Nonie Buencamino, Max Collins, Lou Veloso, Richard Quan, Anna J. Luna, at Teroy Guzman, mula sa script na pinagtulungang buuin nina Mike de Leon, Noel Pascua, and Atom himself. (JIMI ESCALA)