Sunshine copy copy

PARA kay Sunshine Cruz na dating asawa ni Cesar Montano na isinasangkot ngayon sa anomalya sa pinamamahalaan nitong Tourism Promotions Board (TPB), mas makakainam na iwasan niya ang pagbibigay ng komento hinggil sa naturang isyu.

Ayon sa aktres, ipinagdarasal niya na sana ay malusutan ni Cesar ang naturang kontrobersiya.

“Well, sana talaga malampasan niya ‘yan. Kasi kahit ano pa ang sabihin nila, eh, siya ang ama ng mga anak ko,” sabi ni Shine.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nang unang makarating sa kanya ang naturang isyu laban kay Cesar ay hindi raw agad niya ito maipaliwanag sa kanyang tatlong anak, pero alam niyang mauunawaan ng mga ito ang nangyayari. Matatalino ang mga anak nila.

Kinumusta namin ang annulment case na inihain niya. Hindi kaya makakatulong ang isyu ngayon para mapadali ang pag-grant ng korte sa kaso?

“Sa totoo lang, eh, hindi ko talaga alam kung bakit apat na taon na, eh, wala pa ring desisyon. Pero wait pa rin naman ako. Sabi nila, eh, patience lang daw na sa palagay ko naman, eh, pareho naming kailangan ‘yun ni Cesar,” sagot ni Sunshine.

May sariling buhay na rin naman daw ngayon si Cesar.

“Ako rin naman, eh, I’m startying a new life now, so I just hope that sooner or later, ma-grant na rin ‘yan,” aniya.

With or without the said annulment ay mukhang masaya ang buhay ni Sunshine Cruz sa piling ni Macky Mathay. Kahit na hindi pa masasabing malaya na siya legally ay hindi naman nito naaapektuhan ang relasyon nila.

“I don’t care sa sinasabi ng iba riyan sa amin. Hindi naman natin naiiwasan na may mga tao na conservative or masyadong judgmental but whatever it is, I really don’t care about them. Ang importante is wala kaming tinatapakang tao at sinirang relasyon,” paliwanag pa ng isa sa mga artista sa seryeng Wildflower.

Kung may tatlong anak na pawang babae si Sunshine na solo niyang inaalagaan ay may tatlong anak din naman si Macky. May balak pa kaya sila ni Macky na magkaroon ng sarili nilang supling?

“Ha-ha-ha, 39 years old na ako. Parang okey na rin naman ako. Bata, I have three girls and they are my priority, nothing more and nothing less. And siyempre, pasalamat ako, eh, tuluy-tuloy ang work ko at hindi ako nawawalan ng raket.

“’Yun naman ang importante, I mean, ‘yung maibibigay ko ang anumang para sa anak ko. Makapag-provide ako sa kanila at siyempre alam nilang nasa kanila ang focus ko at sila ang priority ko above all,” banggit pa ng aktres. (Jimi Escala)