Iniharap kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang limang pinaghihinalaang kidnapper, kabilang ang isang barangay chairman, na itinuturong suspek sa pagdukot sa isang negosyante sa Camarines Sur.
Mismong si PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang nagprisinta sa mga mamamahayag sa mga umano’y dumukot sa isang lalaking negosyante, kabilang ang nasa P1.2-milyon ransom at mga baril.
Arestado sina Gerry Mancera, 46, chairman ng Barangay Maninila; Joven Ortiz; Jefferson Cuachin, 26; Prudencio Ruiz, 59; at Cesar Garcia, 47, barangay security officer.
Ang mga suspek, na nag-o-operate sa Bicol Region, ay pinamumunuan umano ng isang alyas Ronald Guachin, na kabilang sa mga pinaghahanap ng Anti-Kidnapping Group (AKG).
Naaresto ang mga suspek sa Banga Caves sa Ragay, Camarines Sur habang nagbabayaran ng ransom nitong Marso 6.
Ayon sa report, dalawang beses nagbayad ng ransom ang pamilya ng biktima, na ang una ay nangyari noong 2016, nang magbayad ang pamilya ng negosyante ng P1.4 milyon.
Sinasabing nagbanta ang mga suspek na pupugutan ang biktima kung hindi muling magbabayad ng ransom ang pamilya nito.
Sinabi ni Dela Rosa na Nobyembre 23, 2016 nang dinukot ang negosyante sa loob ng farm sa CamSur.
Batay sa ulat, ikinulong umano ang biktima sa isang bahay malapit sa tahanan ng barangay chairman, na kabilang umano sa sindikato bagamat tumanggi na ito. (FER TABOY at AARON RECUENCO)