May 16, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga nobelang swak basahin para sa kabataan

ALAMIN: Mga nobelang swak basahin para sa kabataan
Photo Courtesy: via MB

Natuklasan ng Senate Committee on Basic Education noong Abril 2025 na tinatayang 18 milyong estudyante sa Pilipinas ang nakapagtapos ng high school na itinuturing bilang “functionally illiterate” o nakakabasa ngunit hindi nakakaunawa ng binasa.

Ito ay ayon umano sa inilabas na datos ng Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) na ginawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ikalawang bahagi ng 2024. 

Ngunit nilinaw naman ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Ronald Mendoza sa pamamagitan ng posisyong papel na ang ginawang survey ng PSA ay hindi lang umano limitado sa mga nakapagtapos ng high school. 

Bukod dito, binanggit din ni Mendoza na nirebisa na raw ng PSA ang depinisyon ng “basic and functional literacy.”

“As a result of these definitional changes, overall literacy rates have decreased,” saad ni Mendoza.

Mga Pagdiriwang

Ano ang pagkakaiba ng ‘Flores de Mayo’ at ‘Santacruzan?’

Samakatuwid, malaki pa rin ang pangangailangan ng Pilipinas na maibalik sa mga Pilipino ang lugod na dulot ng pagbabasa, lalo na sa mga kabataan. 

Kaya naman narito ang ilang libro na maaaring ikonsidera upang mailapit pang lalo ang panitikan, partikular ang nobela, sa mga kabataan dahil ang pinapaksa ng mga ito ay pawang danas nila.

1. Janus Silang Series

Ang Janus Silang ni Edgar Calabia Samar ay serye ng mga nobelang binubuo ng limang aklat: "Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon," "Si Janus Silang at ang Labanáng Manananggal-Mambabarang," "Si Janus Silang at ang Pitumpu't Pitong Púsong," "Si Janus Silang at ang Hiwagang may Dalawang Mukha," at "Si Janus Silang at ang Lihim ng Santinakpan."

Nagsimula ang kuwento ng pakikipagsapalaran ni Janus noong namatay ang lahat ng gamer—kasama ang kaibigan niyang si Harold—ng Terra Anima Legion of Anitos o TALA Online sa isang computer shop sa bayan ng Balanga.

Siguradong kawiwilihan ito ng mga target na mambabasa ng aklat dahil nagawa ni Samar na mahuli ang danas at sentimyento ng maraming kabataan sa katauhan ni Janus. Epektibo ring napaghalo ng may-akda sa kaniyang pagkukuwento ang elemento ng mitolohiya, kasaysayan, at teknolohiya

2. Mars, May Zombie!

Mas kilala si Chuckberry Pascual ng kaniyang mga mambabasa sa mga maiikling kuwento niya tulad ng “Ang Nawawala,” “Bayan ng mga Bangkay,” at “Hindi Ito Romansa.”

Kaya naman, mistulang kusinerong naghain ng bagong putahe si Pascual nang ilunsad niya ang “Mars, May Zombie!,” isang young adult novel na nakasentro ang kuwento sa gay teenager na si Mars matapos ang zombie outbreak noong 2020.

Tila tagumpay naman ang unang nobelang ito ni Pascual dahil nagkaroon pa ito ng sequel na pinamagatang “Mars, Maraming Zombie!” noong 2025. 

“Nagtapos ang unang libro na puno ng pag-asa si Mars. Dito sa pangalawang libro, mag-uumpisa siya sa pagiging bigo at jaded,” lahad ni Pascual sa The Varsitarian.

3. Si Iska at Ang Nawawalang Kampana

Sa “Iska at Ang Nawawalang Kampana,” igagala ni Kim Derla ang kaniyang mga mambabasa sa sulok at palibot ng mistikal na Antipolo.

Magsisimula ang kagila-gilalas na kuwento ni Iska nang sumapit ang kaniyang 15th birthday. Sa pag-uwi ng kaniyang lola, mommy, at mga tiyahin, kapansin-pansin ang biglang pagtanda ng mga ito nang ilang dekada. Nawala rin ang kampana sa Antipolo.

Lahat ng misteryong ito na dumating sa buhay ni Iska ay haharapin niya kasama ang mga kaibigang sina Kenneth, Jane, at maging ang nunong si Kiko. 

Ang nobelang ito ni Derla ay isinulat niya bilang thesis niya sa Master of Arts sa Malikhaing Pagsulat sa University of the Philippines - Diliman.

4. Detective Boys of Masangkay Series

Isa ring serye ng nobela ang “Detective Boys of Masangkay” ni Bernalyn Hapin Sastrillo na binubuo ng dalawang aklat. “Detective Boys of Masangkay: Ang Mangkukulam,” at “Detective Boys of Masangkay: Ang Closed-Door Mystery.”

Tiyak na mahihirapan ang mambabasa na bitawan ang kuwento ng tatlong binatilyong sina Uno, Junior, at Thirdy hangga’t hindi nalulutas ng mga ito ang misteryo sa kanilang lugar.

Bukod dito, pagpapasilip din sa nakaraan ang dalawang nobelang ito ni Sastrillo dahil sa paglalangkap niya sa kultura at uri ng pamumuhay noong dekada ‘90.

5. Anina ng mga Alon

Tila bahagi na ng pananaw ng marami ang pangit at negatibong pagtingin sa mga Badjao. Naglipana, halimbawa, sa social media ang mga kuwento ng umano’y pananakit nila kapag hindi nabibigyan ng limos. O kaya ang mga testamento na may himig ng pandudusta sa kanilang kalagayan na tila ba ginusto nilang manlimos sa kalungsuran.

Ngunit sa “Anina ng mga Alon” ni Eugene Evasco, ibinalik ni Eugene Evasco ang dangal na patuloy na inaagaw ng lipunan sa mga Badjao. Iikot ang kuwento ng nobela sa bidang si Anina na nasa yugto ng paghahanap ng kaniyang sarili sa mundo at ng mundo sa sarili. 

Dito ay higit na mauunawaan ang pinag-uugatan ng mga katutubong tulad niya at ang pwersang nagtutulak sa kanila para lisanin ang kanilang mundo sa piling ng mga alon.