Personal na nakipaghuntahan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa commuters sa Araneta Center Terminal sa Cubao, Quezon City, nitong umaga ng Lunes, Abril 20.
“Tinitingnan po namin yung bagong sistema, yung programa naming ginawa. Alam naman natin dahil sa giyera nagtataasan ang presyo, kaya marami kaming ginagawang iba’t ibang bagay, initiatives, para hindi naman masyadong mabigat sa inyo,” saad ni PBBM sa kaniyang pagbisita sa terminal upang silipin ang implementasyon ng Service Contracting Program (SCP).
Aniya pa, hangga’t nagpapatuloy ang mga pagtataas sa presyo ng langis bunsod ng krisis sa enerhiya, magpapatuloy ang mga inisyatiba ng pamahalaan upang maibsan ang gastusin ng bawat mamamayan.
“Tuloy-tuloy ‘to. Basta pag ganito yung presyo ng langis, wala tayong magagawa. Kailangan nating gawan ng paraan para medyo mas magaan,” saad pa ni PBBM.
Mula sa mga pagtitiyak at personal na kumustahang ito ng Pangulo, ano nga ba ang SCP?
Ayon sa Malacañang, ang SCP ay inisyatiba ng Department of Transportation (DOTR) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa layong mabayaran ang mga drayber at operator ng Public Utility Vehicle (PUV) sa itinakbo nilang kilometro.
Bilang parte rin ng PUV Modernization Program, na layong pagbutihin ang kaligtasan at kahusayan ng pampublikong transportasyon, ang SCP ay magbibigay ng ₱100 kada kilometro sa bus drivers at operators; ₱40 kada kilometro sa mga modern jeepney; at ₱30 kada kilometro sa tradisyunal na jeepney, hanggang sa makaabot ng 100-kilometro kada araw.
Mayroon namang 20% ang mga pasahero sa kanilang pamasahe, habang 40% diskwento naman para sa mga estudyante, senior citizens, at person with disabilities (PWDs).
Unang umarangkada ang SCP noong Miyerkules, Abril 15 upang matiyak ang pagpapatuloy ng operasyon ng mga pampublikong sasakyan sa kasagsagan ng mga pagtataas sa langis at krisis sa enerhiya sa bansa.
Ang mga kasaling unit sa programang ito ay mayroong nakadikit na tarpaulin sa harap ng kanilang sasakyan, kung saan, malinaw ring mababasa ang presyo ng pamasahe at discounted rates.
Ayon sa DOTR, ang SCP ay mayroong ₱800 milyong pondo sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Nakatakda rin itong tumakbo sa mga kalsada sa loob ng 14 na araw at pinaplano pa ng pamahalaan na i-extend ang implementasyon nito hanggang Hulyo, sa karagdagang ₱5 bilyon.
Ang SCP ay tumatakbo rin sa 823 ruta sa buong bansa, kabilang ang 545 feeder routes sa Metro Manila, Cavite, Laguna, at Rizal, na nagkokonekta sa iba’t ibang rail transport systems at kinalalagyan ng mataas na bilang ng mga pasahero.
Kabilang din sa ruta ng SCP ay ang EDSA Carousel, Metro Davao, at Cagayan de Oro.