Tila magkahalong emosyon ng tuwa at kaba ang naramdaman ng S.E.A Write Awardee at kolumnistang si Jerry Gracio mula sa mensahe sa kaniya ng isang indibidwal na handang magbigay ng halagang $100,000 para sa pagtakbo niyang alkalde sa lungsod ng Valenzuela.
Matatandaang pormal na inanunsiyo ni Gracio ang pagkandidato niya bilang alkalde ng lungsod ng Valenzuela noong Marso 20, 2026 at sinabi niyang “vovongga” nasabing lungsod kung mapapalitan si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian.
Ito ay matapos niyang ilatag nang isa-isa ang kasalukuyang problema ng lungsod tulad ng lubak, traffic, baha, at iba pa.
KAUGNAY NA BALITA: Jerry Gracio, tatakbong mayor ng Valenzuela
Ayon naman sa bagong Facebook post ni Gracio nitong Martes, Abril 21, ibinahagi niya ang mensahe sa kaniya ng isang indibidwal na hindi niya pinangalan.
Sa naturang mensahe, sinabi ng private citizen na buo raw ang suporta nito kay Gracio at handa raw itong magbigay ng contingency fund na $100,000 para sa simula ng magiging kampanya ng manunulat.
“[Huuuy, totoo na ba talaga na tatakbo ka na mayora? Just let me know,” usisa ng nagmensahe sa kaniya.
Dagdag pa nito, “[A]s usual, full support ako sa ‘yo just like your previous campaign. I will start a contingency fund of $100,000 to jump start your campaign. I will ask my friends for financial resources as well. Laban!”
Screenshot mula sa FB post ni Gracio.
Saad naman ni Gracio sa caption niya, tila maiiyak na lang daw siya sa tuwa at nakaramdam din ng kaba dahil sa pagseseryoso ng mga tao sa kaniyang pagtakbo.
“Ang hirap sumagot kapag may mga ganito na. Iyacc na lang, me eh. Sa tuwa. At sa kaba na seryoso ang mga tao,” aniya.
“Salamat sa inyo. Puwede nang i-advance ang dolyares? Chos,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Utol ng writer na si Jerry Gracio pinasok sa condo, hinarass ng mga armado!