Apat na sibilyan ang kumpirmadong nasawi at maraming iba pa ang nasugatan makaraang magkasagupa ang militar at ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Datu Salibo, Maguindanao, kahapon ng madaling araw.

Dahil dito, napilitan ang mga residente na magsilikas sa takot na madamay sa bakbakan.

Ayon sa ulat ng Datu Salibo Municipal Police, dakong 2:20 ng umaga nang mangyari ang sagupaan ng Philippine Army at BIFF sa Datu Salibo.

Batay sa pahayag ni Capt. Ervin Encinas, hepe ng Public Affairs Office ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Army, sunud-sunod na sinalakay ng mga miyembro ng BIFF ang posisyon ng militar sa naturang bayan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Gumamit ng 105mm Howitzers cannon ang mga sundalo para bombahin ang BIFF, sa pangunguna ni Kumander Bungos.

Tumagal ng dalawa at kalahating oras ang labanan bago dumating ang FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) at dalawang MG-520 attack helicopter bandang 5:00 ng umaga at binomba nito ang BIFF sa Sitio Andavit, Bgy. Balakanan, Datu Salibo. (Fer Taboy)