CONCEPCION, Tarlac - Nakapangingilabot na kamatayan ang sinapit kahapon ng isang sampung taong gulang na babae na nahulog mula sa nasusunog na three-storey building, at tatlong iba pa ang nasugatan sa insidente sa L. Cortez Street, Barangay San Nicolas Poblacion sa Concepcion, Tarlac.

Namatay si Nicole Marie Gold Ong dahil sa internal haemorrhage at multiple fracture sa pagkahulog niya sa nasabing gusali.

Grabe namang nasugatan ang mga magulang ng bata na sina Ryan Ong, 40; Lydia Ong, 42; at anak nilang si Nina Antonette Ong, 16, na na-trap naman sa ikalawang palapag ng gusali. Nakuha namang makalabas sa nagliliyab na istruktura ng mag-asawang Mariano at Anthonieta Ong, kapwa nasa hustong gulang, may-ari ng Marson's Hardware sa Bgy. San Nicolas Poblacion, Concepcion.

Napag-alaman na nadamay din sa sunog ang Gold Rich Cycle Parts and General Merchandise na pag-aari ni Vicente Ong, Sr.; at ang Corovic General Merchandize ni Victor Ong, at tinatayang aabot sa malaking halaga ang napinsala sa insidente.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ayon sa report, dakong 10:30 ng gabi nitong Miyerkules nang nagsimula ang sunog sa hardware, na kaagad naalimpungatan at nakalabas sa gusali sina Mariano at Anthonieta.

Dumiretso naman sa rooftop ang mag-anak nina Ryan, ngunit aksidenteng nahulog si Nicole Marie Gold.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog. (Leandro Alborote)