TOTOONG nakapanghihinayang at isang malaking kawalan ng katarungan ang pagwawalang-bahala sa katalinuhan ng ating mga kababayang tahimik sa paglikha ng kapaki-pakinabang na mga imbensiyon. Ngayon ko lamang napag-alaman na ang kanilang mga pagsisikap ay tila hindi gaanong ginagantimpalaan ng gobyerno sa kabila ng katotohanan na ang mga produkto ng kanilang karunungan ay kapaki-pakinabang.

Palibhasa’y kapamilya ng lantay na magsasaka, gayon na lamang ang aking paghanga sa palay drying facility na epektibo sa pagpapatuyo ng inaani ng mga magbubukid. Sayang at nakahulagpos sa aking memorya ang pangalan ng imbentor ng naturang bilaran ng palay. Subalit natitiyak ko na siya ay kasapi sa Filipino Inventors Society of the Philippines (FISP) na pinamumunuan ng ating kapatid sa propesyon na si Roly Gonzalo, isang batikang broadcast at print journalist.

Hindi kailanman maaaring maliitin ang benepisyong idinudulot ng nabanggit na imbensiyon na mabisa at mabilis magpatuyo ng palay. Sa pamamagitan nito, maiiwasan na ng mga magsasaka ang pagbibilad ng kanilang inaaning butil sa mga sementadong kalsada; makaiiwas din sila sa panganib na maaaring dumating dahil sa rumaragasang mga sasakyan na walang habas na dumadapurak sa ibinibilad nilang palay. Isa pa, nakatitiyak tayo na ang ating palay ay hindi mahahaluan ng buhangin, bato at ibang dumi na nakakalat sa mga lansangan.

Isa pang makabuluhang imbensiyon ang mga truck na pamatay-sunog na sa kabuting-palay ay pinakikinabangan na sa ilang bayan sa kapuluan. Maaaring ang kalidad ng mga ito ay hindi kasing-taas ng mga fire trucks na inaangkat ng ating pamahalaan. Subalit natitiyak ko na ito ay makatutulong nang malaki sa pagpatay ng apoy, lalo na ngayong kabi-kabila ang nagaganap na sunog na pumipinsala ng nakalululang halaga ng mga ari-arian at ikinamamatay ng marami nating kababayan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Labis din ang aking paghanga sa naimbentong electronic firecrackers (e-firecrackers) na magagamit... bilang alternatibo sa mga paputok tuwing Bagong Taon. Ang naturang imbensiyon ay lumilikha lamang ng liwanag at tunog na kasing-lakas ng tradisyunal na ‘Judas” Belt. Walang usok, ligtas at pambihira. Nagkataon na ito ay produkto ng katalinuhan at pagtitiyaga ni Francisco ‘Popoy’ Bagayon, isa ring Pilipino at mataas na opisyal ng FISP.

Marami pa tayong kahanga-hanga at marurunong na Filipino inventor na nakalikha ng kahanga-hangang mga imbensiyon para sa kapakinabangan ng iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Kailangang magkusa ang Duterte administration sa pagpapahalaga sa mga produkto ng kanilang katalinuhan. Sa halip na unahin ang pag-angkat sa mga foreign inventions, marapat lamang na tangkilikin ang mga imbensiyon ng FISP. Ibayong pagpapahalaga ang dapat sa ‘Filipino First’ policy.

(Celo Lagmay)