MAY mga kasamahan palang MTRCB board members na medyo naantipatikahan din kay Mocha Uson. Ito ang ibinalita sa amin ng nakausap naming insider ng naturang ahensiya.
Ayon sa kausap namin, ginugulo lang ni Mocha ang sistema ng MTRCB. Mahilig daw kasing basta na lang ilalantad sa publiko ang anumang napapansin nitong para hindi tamang pamamalakad ng mga kasamahan nila.
“Tama ba namang basta na lang isiwalat sa publiko ang isyung dapat na pag-usapan muna nila sa loob ng MTRCB? Nagugulo tuloy ang lahat. Sana lang, eh, pag-usapan muna ang dapat pag-usapan,” banggit ng source namin.
Napapansin rin daw ng ibang board members ay hindi marunong makisama si Mocha. At ang gusto raw ay agad masunod ang anumang inihain niya sa board.
“Sa totoo lang, sana pagiging chairman na lang ng MTRCB ang hiningi niya kay Pres. Duterte. Gusto pala niyang makiayon sa kanya kahit na ‘yung ilang taon nang nakaupo sa board, kaya dapat lang na sa mataas na posisyon ang hiningi niya,” sey pa ng source.
Samantala, umiikot daw ngayon ang bulung-bulungan sa apat na sulok ng MTRCB na may posibilidad daw na si Mocha Uson ang ipalit sa kasalukuyang chairman na si Ms. Rachel Arenas na balitang hanggang December lang ang panunungkulan.
(JIMI ESCALA)