Arestado ang dalawang lalaki makaraang makumpiskahan ng hinihinalang ilegal na droga sa magkahiwalay na insidente sa Pasay at Makati City, nitong Lunes ng gabi.
Kasalukuyang naghihimas ng rehas sa Pasay City Police si Raymond Vengco, alyas “Jay”, 42, pedicab driver ng Tomas Claudio Street, Baclaran, Parañaque City.
Sa ulat ng pulisya, dakong 8:20 ng gabi ay nakuhanan si Vengco ng 14 na pakete ng umano’y shabu, nagkakahalaga ng P10,000, sa tulay sa Don Carlos Village, Barangay 190, Zone 20, Pasay City.
Sakay umano sa kanyang bisikleta si Vengco at naging kahina-hinala ang kanyang kilos kaya sinita at kinapkapan siya ng mga nagpapatrulyang tanod at tuluyang nakuha ang mga hinihinalang shabu.
Kasong paglabag sa Section 2 at 5 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ni Vengco.
Samantala, nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Makati ang 17-anyos na lalaki na nakuhanan naman ng dalawang pakete ng umano’y shabu.
Namataan ng mga tauhan ng Makati City Police ang suspek na naging kahina-hinala ang kilos habang nakatambay sa panulukan ng Capas at Bataan St., Bgy. Guadalupe Nuevo, bandang 6:00 ng gabi. (Bella Gamotea)