Lucky Big Winner Maymay Entrata (1) copy

HINIRANG na big winner ng Pinoy Big Brother Lucky Season 7 ang teen housemate na si Maymay Entrata at gumawa ng kasaysayan bilang pinakaunang Lucky Big Winner ng pinakamahabang edisyon ng hit ABS-CBN reality show at tinalo ang housemates sa pinagsama-samang celebrity, teen, at adult editions.

Nakakuha ang “Ms. Wacky-Go-Lucky ng CDO” ng 42.71% ng mga boto at pormal na sinalubong ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga tagahanga sa ginanap na Big Night nitong nakaraang Linggo sa Alonte Sports Arena.

Sa kanyang madamdaming speech, pinasalamatan ni Maymay ang mga tumulong sa kanya para matupad ang kanyang pangarap.

Human-Interest

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo

Hinikayat din niya ang mga manonood na patuloy mangarap katulad niya.

“Huwag kayong matakot mangarap. Huwag n’yong kalimutan kung saan kayo nanggaling at ang mga taong tumulong sa inyo.

Kung sakaling malapit na ninyong maabot ang inyong pangarap at kayo ay nadapa, bumangon kayo agad. Alalahanin ninyo kung saan kayo nagsimula at kung bakit nasa dulo na kayo ng inyong pangarap,” sabi ni Maymay.

“Huwag kayong matakot magpakatotoo dahil diyan kayo dadalhin ng inyong pangarap at sa inaasam ninyong tagumpay,” dagdag niya.

Bilang Lucky Big Winner, nagwagi si Maymay ng P1 milyong cash, bagong bahay at lupa mula sa Camella, at Asian tour package for two mula sa Von Dutch.

Samantala, hinirang namang second Lucky Big Placer si Kisses Delavin na nakatanggap ng 31.27% at nag-uwi ng P500,000.

Sumunod naman si Yong Muhajil bilang third Lucky Big Placer na nakatanggap ng 21.52% at nag-uwi ng P300,000. Si Edward Barber naman ang hinirang na fourth Lucky Big Placer na nakatanggap ng 4.49% ng mga boto at nakakuha ng premyong P200,000.

Bago pa man ang Twitter-trending na Big Night, pinangalanan na noong nakaraang Sabado (Marso 4) ang 5th, 6th, at 7th Lucky Big Placers na sina Tanner Mata, 2-in-1 “Hashtags” housemates Mccoy de Leon at Nikko Natividad, at Cora Waddell. Bawat isa sa kanila ay nag-uwi ng tig-P100, 000.

Panalo sa ratings sa magkasunod na gabi ang Big Night na pumalo sa 19.9% kontra 10% ng katapat na show noong Sabado at 20.6% naman kontra 18.8% noong Linggo (Marso 5).

Dumalo rin sa Pinoy Big Brother Lucky Season 7 Big Night ang PBB alumni kabilang ang nakaraang Big Winners na sina Kim Chiu, Jimboy Martin, Miho Nishida, at iba pang ex-housemates ng iba’t ibang edisyon tulad nina Tommy Esguerra, Joshua Garcia, Loisa Andalio, Zeus Collins, Ylona Garcia, Bailey May, Dawn Chang, Yassi Pressman at iba pang former PBB Lucky Season 7 housemates.

Sa nakaraang labing-isang taon, nanatiling isa sa pinakapinanonood na programa ang Pinoy Big Brother sa bansa, consistent top trending topic ito sa social media, at most viewed reality show online via iWant TV.