Labing tatlong lalaki ang dinampot sa magkahiwalay na lungsod dahil sa ilegal na tupada nitong Linggo.

Sa Muntinlupa City, anim na lalaki ang sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9287 na kinilalang sina Edgar Manuel y Mocorol, alyas “Boboy”, ng No.141 Rosal Street, Sitio Sto. Niño, West Cupang, Muntinlupa City; Domingo Romasanta y Pilar, alyas “Dondon”, ng Gumamela St., Sitio Sto. Niño, Cupang; Rey Romasanta y Quijano, alyas “Eman”, ng No. 159 Gumamela St., Sitio Sto. Niño, Cupang; Charles Gallano y Digonio, alyas “Dondon”, ng Dama De Noche St., Sitio Sto. Niño, Cupang; John Edo y Guro, ng Valencia St., Intercity Homes, Cupang; at Ricky Hagos y Quitaleg, ng No. 127 Orchids St., Sitio Sto. Niño ng nasabing lungsod.

Sa ulat na natanggap ng Southern Police District (SPD), dakong 10:30 ng umaga dinakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) ang anim na suspek na ilegal umanong nagsasabong sa Sitio Sto. Niño, Bgy. Cupang, Muntinlupa City.

Samantala, sa Valenzuela City, pitong lalaki naman ang dinakma sa tupadahan.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Kinilala ni Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, ang mga hinuli na sina Raymond Lacson, 25; Juanito Lorenzo, 54; Roldan Baterna, 31; Wilson Volante, 38; Pablo Banosa, 38; magkapatid na Renel Boy Bilog, 28 at Ricky 31, pawang residente ng Area 4, Pinalagad, Bgy. Malinta.

Ayon kay SPO1 Raul Salto ng Station Investigation Branch (SIB), nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga residente sa lugar na kada Linggo ay maingay na nagpupustahan ang mga nagsasabong.

Paglabag sa P.D. 1602 (illegal cockfighting) ang isinampang kaso sa pitong suspek. (Bella Gamotea at Orly L. Barcala)