MAIPAPASA na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang nagbabalik sa parusang kamatayan. Pero, nililimitahan ang mga krimeng nasasakop nito sa paggawa at pagbenta ng ilegal na droga at pagmimintina ng drug den o laboratoryo.

Sino man ang mapatunayang nagkasala ng alin man sa mga krimeng ito ay papatawan ng parusang reclusion perpetua o kamatayan.

Kaya napabilis ang pag-usad ng panukala ay dahil inalis na sa mga nauna niyang layunin ang mga karumaldumal na krimen tulad ng treason, plunder, murder at rape at iniwan na lang iyong mga may kaugnayan sa droga.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Wala tayong naririnig sa administrasyon na kapag naging batas na ang parusang kamatayan ay aabandonahin na nito ang inumpisahan nitong operasyon laban sa droga. Pansamantalang itinigil ni Pangulong Digong ang operasyong ipinairal niya sa PNP at NBI dahil ginamit ito ng mga tiwaling pulis at ahente sa kanilang pansariling interes. Ginamit ito sa pangingidnap at pagpatay para kumita. Natambad ang ganitong gawain nang kidnapin ang Korean businessman at patayin mismo sa Camp Crame kahit nakapagbigay na ng ransom ang kanyang maybahay. Pero, kahit ipinatigil ang operasyon ng mga pulis at NBI at inilipat ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), halos araw-araw ay may mga napapatay na adik at tulak na kagagawan ng mga nakamaskara o vigilante.

Ang problema, itutuloy pa rin daw ang operasyon, ayon kay PNP Chief Ronald dela Rosa. Nililinis lang daw niya ang kanilang hanay upang ang matitinong pulis ang magsasagawa nito. Pero, lalong darami ang mapapatay kapag naging batas na ang parusang kamatayan kapag itinuloy pa ng PNP at NBI ang operasyong tinagurian nilang “Tokhang” at “Double Barrel” dahil may katulong na silang batas. Lalakas ang katwiran ng mga alagad ng batas na napatay nila ang biktima dahil nanlaban ito habang kanilang inaaresto. Lalong madali para... sa kanila ang mangikil dahil sa takot ng kanilang biktima na kung hindi siya mapapatay ay mahaharap naman sa kaso na ang parusa ay kamatayan. Ang laging biktima, ke death penalty o Tokhang ay mga dukha.

Kapag naging batas ang parusang kamatayan ay gagawin itong dahilan ng mga awtoridad para paigtingin ang Tokhang kasi mayroon nang imbestigasyon, pagdinig at apelasyon bago masentensiyahan ang kanilang idinemanda. Ikakatwiran nilang maliwanag na mabagal ang proseso ng batas, eh hindi nito kayang mapigil ang mga krimeng dulot ng droga.

(Ric Valmonte)