KUNG natatakot ni President Rodrigo Duterte ang malaking bahagi ng populasyon o mamamayan, kabilang ang mga pulitiko, senador, kongresista, gobernador at mayor, mukhang hindi niya matakut-takot ang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na patuloy sa pangingidnap ng mga lokal at dayuhang indibiduwal para ipatubos ng milyun-milyong dolyar o piso kapalit ng kalayaan.
Inatasan pa ni Mano Digong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na pulbusin ang tulisang grupo kasabay ang deklarasyon ng all-out war laban sa kanila na ang “comfort zones” ay Basilan at Sulu. Pero hanggang ngayon ay nakatindig pa rin ang ASG at patuloy sa kanilang kidnap-for-ransom na gawain. Noong nakaraang linggo, pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf ang German hostage na si Juergen Gustav Kantner matapos mabigong magbigay ng P30 milyong ransom.
Noon pang Pebrero 14 nagbanta ang ASG na pupugutan si Kantner kapag hindi naibigay ang ransom sa Pebrero 26. Sa video, ipinakita ang German captive na nakaupo sa isang damuhan at nagsasalita ng “Now he kills me” bago siya tinaga ng isang nakamaskarang tulisan gamit ang isang matalas na patalim. Ilang ASG men ang umusal ng “Allahu Akbar” o Dakila ang Diyos (Allah).
Batay sa ulat, inilagay ng executioner ang ulo katabi ng katawan sa isang lugar na pinangyarihan ng pagpugot na pinaniniwalaang sa Sulu. Sa intelligence reports ng AFP, ang tulisang ASG ay pinamumunuan ni Muamar Askali, alyas “Abu Rami”. Ang pagpugot ay ginawa sa Sitio Talibang, Barangay Buanza. Ayon kay Presidential peace process adviser Jesus Dureza, dapat nang matigil ang “barbaric activities” ng mga bandido sapagkat ang terorismo ay walang lugar sa bansa.
Mukhang ibabalik na ng Duterte administration ang Oplan Tokhang wala pang isang buwan matapos iutos ni PDu30 sa mga pulis na tumigil sa operasyon laban sa illegal drugs. May mga report na sapul nang pagbawalan ang mga pulis laban sa suspected drug dealers, pushers at users, dumami na naman ang gumagamit ng illegal drugs sa mga lansangan at kalye.
Sinabi noong Lunes ni PRDD na bahala ang Philippine National Police na magpasiya kung ibabalik ang Oplan Tokhang o maghihintay pa ng ilang buwan upang tiyakin na talagang dumarami ang bentahan ng illegal drugs sa mga lansangan.
Nagsampa ng petisyon sa Supreme Court si Sen. Leila de Lima na ipawalang-bisa ang arrest warrant order nito at pagpapakulong sa kanya kaugnay ng kasong drug trafficking. Sa 81 pahinang petisyon na inihain ng kanyang mga abogado, kinuwestiyon niya ang indictment ng Department of Justice (DoJ) at iginiit na ang DoJ ay walang hurisdiksiyon sa kanyang kaso sapagkat ang Office of the Ombudsman ang dapat humawak nito. (Bert de Guzman)