SA mula’t mula pa, hindi ko makita ang lohika sa pagtatakda ng Fire Prevention Month tuwing buwan ng Marso, taun-taon; lalo na kung ito ay may kaakibat pang parada ng mga fire truck at walang-humpay na pagpapaugong ng mga sirena, isang okasyon na nasasaksihan lamang natin nang minsang isang taon.

Naniniwala ako na ang pag-iwas sa sunog ay kailangang isaisip at isapuso natin sa lahat ng pagkakataon. Pangunahing obligasyon ng gobyerno, sa pamamagitan ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang pagtawag ng pansin ng mga mamamayan hinggil sa ibayong pag-iingat sa sunog; sa pagpapaalala sa kanila ng mga reglamento at iba pang kautusan na dapat ipatupad sa mga paaralan, mga establisimiyento na tulad ng mga mall, gusali at dormitoryo sa university belts.

Marapat na atupagin ng pamahalaan ang pagdadagdag ng mga fire truck sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa buong bansa.

Hanggang ngayon, natitiyak ko na marami pa rin ang nangangailangan ng firefighting equipment, kabilang na ang pangangailangan sa dagdag na bumbero. Ang karag-karag na mga truck na pamatay-sunog ay dagdag na panganib sa pag-iwas sa sunog.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Sa pamamatnubay ng BFP, ang kagawaran ng mga pamatay-sunog sa local government units (LGUs) at mga barangay ay dapat magsagawa ng palagiang pag-inspeksiyon sa mga bahay-bahay at business houses upang matiyak ang kanilang kahandaan sa sunog at iba pang sakuna. Dapat tiyakin ang paglalagay ng mga fire extinguisher sa mga dapat lagyan ng mga ito. Dapat din nilang tiyakin na walang magaganap na panggigipit na may kaakibat na pangungulimbat sa gayong mga transaksiyon, tulad ng iniaangal ng ilang sektor.

Halos araw-araw ay ginigimbal tayo ng sunog na hindi lamang pumipinsala sa bilyun-bilyong pisong ari-arian kundi ikinamamatay pa ng marami nating kababayan, tulad ng nangyari kamakailan sa isang industry complex sa Cavite.

Gayundin sa pabrika sa Valenzuela City at iba pang lugar sa Metro Manila na sinalanta ng nakakikilabot na sunog.

Kamakalawa lamang, isang pamilya ang hindi nakaligtas sa natupok nilang tahanan.

Palibhasa’y naging biktima na ng kahindik-hindik na sunog, hindi kailanman magbabago ang aking pananaw sa kahalagahan ng ibayong pag-iingat sa sunog. Tanging ararong bakal lamang ng aking ama ang natira nang ganap na natupok ang aming bahay sa Barangay Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija, maraming taon na ang nakalilipas; iyon pa naman ang bahay na aking sinilangan. Nasunog din ang St. Michael Hall na aming tinutuluyan nang kami ay nag-aaral pa sa Far Eastern University, maraming tag-araw na rin ang nakararaan.

Hindi lamang minsan isang taon ang paggunita sa fire prevention kundi sa tuwina sapagkat ang sunog ay maaaring sumiklab anumang oras. (Celo Lagmay)