Binawi na kahapon ang dalawang Senate security personnel na unang itinalaga para bantayan si Senator Leila de Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Senate President Koko Pimentel makaraang itakda ang dalawang bantay sa 50 metro ang layo mula sa kinapipiitan ng senadora.
“Useless na naman at nag-regroup na muna kami to find out a way kung paano natin ma-convince ang people in control of the detention center to allow…’’ sabi ni Pimentel.
“We’re re-grouping to find out how we can negotiate with the person in charge of the detention center …how we put the OSAA (Office of the Sergeant at Arms) [malapit sa selda ni De Lima,” dagdag ni Pimentel.
Inilarawan naman ni De Lima na kawalan ng hustisya sa kanyang panig ang bawat araw niya sa kulungan, ngunit nagbibigay-lakas naman, aniya, ito para magampanan niya ang kanyang tungkulin bilang mambabatas.
Sinabi ng senadora na sa pitong araw niya sa pagkakapiit sa Camp Crame ay nabigyan siya ng pagkakataong magnilay-nilay kung ano pa ang kanyang maaaring gawin.
“Alam ko, at alam ng Panginoon ang totoo: Inosente ako. Ginagawa ko lang ang aking trabaho. Kahit malinaw na imbento lamang ang paratang sa akin, bakit nagagawa pa rin nilang basta baluktutin ang hustisya at ikubli ang totoo? Ngayong naipakulong na ako ng Pangulo, simulan na kaya niyang magtrabaho at tuparin ang kanyang pangako sa Pilipino?” sabi ni De Lima. (Mario Casayuran at Leonel Abasola)