Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsibak sa serbisyo sa 14 na opisyal ng gobyerno na sangkot sa umano’y maanomalyang paggastos sa P480.5-milyon Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating Senador Jinggoy Estrada.
Permanente na ring pagbabawalang maglingkod sa gobyerno ang mga akusado sakaling mapatunayang nagkasala sila sa grave misconduct, dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Kabilang sa mga ipinasisibak ang deputy chief of staff ni Estrada na si Therese Mary Labayen; sina Antonio Ortiz, Dennis Cunanan at Marivic Jover ng Technology Resource Center (TRC); sina Gondelina Amata, Evelyn Sucgang, Chita Jalandoni, Emmanuel Alexis Sevidal at Sofia Cruz of the National Livelihood Development Corporation (NLDC); sina Victor Roman Cacal, Maria Ninez Guanizo, Romulo Relevo, Julie Villaralvo-Johnson at Rhodora Mendoza of the National Agribusiness Corporation (NABCOR).
Nililitis din si 14 sa Sandiganbayan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa sinasabing maling paggastos sa PDAF ni Estrada simula 2007 hanggang 2009.
Natukoy sa imbestigasyon na sa loob ng nabanggit na mga taon ay may kabuuang P480.6 milyon ang nabawas sa PDAF ni Estrada, na P278 milyon dito ay napunta umano sa mga non-government organization na kontrolado ni Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak sa pork barrel scam. (Jun Ramirez)